Nanindigan si Vice President Sara Duterte na hindi siya magre-resign sa kaniyang puwesto matapos ang mga pahayag umano ng mga mambabatas na mag-resign na lamang siya kung hindi na umano siya interesado sa responsibilidad ng isang bise presidente.
Matatandaang nagpahayag ng pagkadismaya si Assistant Majority Leader at Ako-Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon sa hindi pagharap ni Duterte nitong Lunes, Setyembre 23, sa nakatakdang plenary debate sa Office of the Vice President (OVP) ₱2.037-billion budget para sa 2025.
"It shows that she is not interested with her duties and functions as the Vice President of the Philippines," ani Bongalon.
BASAHIN: 'Maraming' kongresista, nais nang pababain si VP Sara sa puwesto -- Rep. Suarez
Sa press conference nitong Miyerkules, Setyembre 25, nanindigan si Duterte na hindi siya bababa sa puwesto.
“Sa tingin ko sa nangyayari wala silang kaso sa impeachment kaya sila nandyan, kaya sila sige hanap nang hanap sa kung ano gagamitin nila. Ngayon ang track nina France Castro at [Sonny] Trillanes is impeachment. Gumawa pa sila ng isa pang track na resignation,” saad ni Duterte.
"[...] Hindi ako sasagot sa 'Young Guns' dahil kailangan ko sumagot sa 32 million na bumoto sa akin. Hindi sa isa o dalawang tao. Kaya hindi ako aalis dito dahil nilagay ako ng mga tao dito believing I will work for the country and that is what we did," dagdag pa niya.
Matatandaang binawasan umano ng House Appropriations Committee ang 2025 budget ng OVP, na mula ₱2.037 bilyon patungong ₱733.198 milyon.
BASAHIN: ₱2.036B proposed budget ng OVP sa 2025, balak bawasan ng ₱1.29B!
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Kakaltasing ₱1.29B pondo ng OVP, saan nga ba ilalaan?
Gayunman, sa kabila ng hindi pagdalo sa House of Representatives, sinabi ng bise presidente na dadalo siya sa budget deliberations sa Senado.
“So, a-attend kami doon," ani Duterte.