Muling magbabalik si 12-time Philippine Basketball Association (PBA) champion Joe Devance upang palakasin ang roster ng Barangay Ginebra Kings para sa quarterfinals ng PBA Season 49 Governor’s Cup.
Sa isang Instagram post nitong Martes, Setyembre 24, 2024, kinumpirma ni 6 foot 7 forward Joe Devance ang muli niyang pagbalik sa loga matapos niyang mag-retiro noong 2022.
“Through it all it brought me back here! This is a surreal feeling I'm going through right now. This is the closure I wanted and needed. I'm honored to have this chance,” saad ni Devance sa caption.
Kalakip ng naturang post ni Devance ang larawan mula sa PBA memorandum na nagsasaad ng eligibility niyang makalaro para sa quarterfinals.
Nakatakdang palitan ni Devance ang binakanteng posisyon ng Rookie na si Paul Garcia matapos siyang ilagay ng Ginebra sa Unrestricted Free Agent With Rights to Receive Salary (UFAWR2RS).
“I’m going to give it everything I have 1 last time for my @pbaconnect brotherhood and @barangayginebra . Let's see what we can do.”
Matatandaang minsan na ring naisama sa UFAWR2RS si Devance noong 2018 ngunit nananatili umanong may matibay na kasunduan sa pagitan niya at ng Ginebra, na hindi ito maaaring pumirma ng kontrata sa ibang koponan sa kabila ng pagiging free agent niya.
Samantala, nilinaw naman ni Ginebra Head Coach Tim Cone na nabuo ang desisyon nilang pabalikin si Devance matapos indahin ng koponan ang pagkawala ni Isaac Go dahil sa knee injury niya noong laban nila kontra Rain or Shine Elasto Painters.
“Losing Isaac, he’s a very big part of what we’re trying to build,” saad ni Cone sa isang post-game interview.
Kate Garcia