Muling nagbabalik ang Oro Inodoro Awards na kilala rin noon bilang “Golden Kubeta Awards” upang kilalanin ang malilinis na restrooms mula sa pribado at pampublikong lugar.
Ito ay naglalayon umanong magbigay-diin sa kahalagahan ng isang maayos at malinis na palikuran para sa lahat.
Matatandaang Agosto 1, 2024 nang magsimulang ianunsyo sa opisyal na Facebook page ng Kubeta PH ang pagbabalik ng naturang parangal. Sinundan naman ito ng ilan pang post tungkol sa mga mechanics at papremyong maaaring makuha rito.
Kubeta PH - NASAAN NA ANG BET NA BET MONG KUBETA?! Here’s how to... | Facebook
Samantala, sa hiwalay na Facebook post pa rin noong Setyembre 22, 2024, muling inihayag ng Kubeta PH ang mas detalyadong impormasyon upang makasali sa kanilang patimpalak.
“We’re on the search for the pinakamaganda, pinakamalinis at pinakabonggang public restroom sa buong Pilipinas!”
“I-share mo na ang iyong go-to public restroom – anywhere in the Philippines–for a chance to win the Banyo ng Bayan (People’s Choice Award).”
Ang tatlong pangunahing kategorya ng 2024 Oro Inodoro Awards ay nahahati sa Commercial and Retail, School and Offices at Parks and Terminals.
Makakatanggap ng ₱10,000 ang mga mananalo sa bawat kategorya habang may natatangi ring pagkilala para sa “Banyo ng Bayan” at “Banyo Para sa Lahat.”
Ang Banyo ng Bayan ay isang parangal na ibinoto ng mga tao sa pamamagitan ng social media, habang ang Banyo Para Sa Lahat ay ibabatay sa mga katangian na ginagawa ang isang palikuran na mas maging inklusibo at accessible para sa mga marginalized na grupo tulad ng mga taong may kapansanan at third gender restrooms.
Nakatakdang tumanggap ng mga nominasyon ang Kubeta PH hanggang Oktubre 6, 2024.
Kate Garcia