Isang barracuda ang sumabay at naiulat na umatake umano sa ilang freedivers sa Mabini, Batangas.
Ayon sa ulat ng GMA News nitong Martes, Setyembre 24, 2024, nauwi sa insidente ang dapat sana’y birthday celebration ng isang freediver at mga kasama nito habang sinisisid ang karagatan ng Mabini, Batangas. Nahagip ng camera ni Iya Reyes, isa sa mga divers ang paglapit at pag-atake nito sa isa nilang kasamahan.
Sugatan sa naturang insidente ang isang freediver na si Caren Cruz na nagtamo ng sugat sa bahagi ng kaniyang balikat.
"Ang akala ko tumama 'yung fins nung pamangkin niya [Iya]," kuwento ni Caren sa panayam sa GMA News.
Ayon sa eksperto, karaniwang nagiging agresibo ang mga isdang katulad ng barracuda kapag sa tingin ng mga ito ay may makakain sila mula sa biktima.
"Nagiging aggressive sila kung tingin nila merong malapit sa 'yo na puwede nilang kainin, meron kang makinang na hawak, dito sila na-a-attract kasi akala nila isa 'to sa mga isda na puwede nilang kainin," paliwanag ni Marine Wildlife Watch of the Philippines Executive Director AA Yaptinchay sa GMA News.
Sa kaso ni Caren, naniniwala umano siya na ang bangle na kaniyang suot ang nakakuha sa atensyon ng barracuda, dahilan ng pag-atake nito sa kaniya.
"Feeling ko talaga dahil siya dito sa bangle po kasi never akong naghubad na bangle," saad niya.
Nakaligtas naman sina Caren na kinumpirma ring gumaling na ang natamong sugat mula sa barracuda.
Samantala, sa Pilipinas, mayroon namang tinatawag na Barracuda Lake na matatagpuan sa Palawan kung saan kilala ring dinadayo ng mga freedivers sa kabila ng umano’y banta ng pag-atake nito.
Ayon naman sa Palawan Divers, karaniwang matatagpuan sa lugar ang Great Barracuda na tumatagal ang buhay mula 10 hanggang 15 taon.