Agaw-pansin sa social media ang mga larawan ng isang lalaking "tindero" ng hilaw na manok sa palengke sa Valenzuela City dahil daw sa angkin nitong karisma.
Viral ang Facebook post ni Basty Askri habang nasa isang puwesto ng poultry products sa New Marulas Public Market sa Valenzuela City, dahil napansin ng mga netizen ang taglay niyang kaguwapuhan at magandang pangangatawan.
"Hiwain ko manok mo [chicken emoji]."
"Tara na sa manokan ni Durce Tabal," mababasa sa caption.
Basty Askri - Hiwain ko manok mo Tara na sa manokan ni Durce Tabal | Facebook
Kinakiligan naman ito ng mga netizen at umani ng samu't saring reaksiyon at komento.
"Kaya Pala si misis tagal tagal sa palengke."
"Jusko saan itong palengke gusto ko bumili sariwa talaga daw tinda jan.."
"Parang magkakaroon na ako ng bagong suki hahaha."
"Sa Nepa Q-Mart ako bumibili eh, pero parang gusto ko na rin subukan diyan sa palengke na 'yan"
"Pakihiwa po ang manok ko hahahaha..."
"May pa-abs 'yong manok haha."
"Ibang karne po gusto ko hehehe."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Basty, 20-anyos, napag-alamang hindi pala siya tindero sa nabanggit na manukan.
Siya ay nag-endorso lamang ng puwesto ni Durce Tabal, na tila epektibo naman.
Sa kasalukuyan siya raw ay working student sa Our Lady of Fatima University sa Valenzuela City, at kumukuha ng degree program na BS Nursing.
"Working student po ako, I'm working as a sideline mural artist, fitness coach, event host, and a talent," aniya.
Sa mga nagnanais namang "pumila" sa kaniya, tamanag-tama dahil single ngayon ang masipag na working student ng Valenzuela City.
Hindi naman daw niya akalaing magba-viral ang kaniyang post na umabot na sa 2.3k reactions, 1.5k shares, at 152 comments.