Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong nagtitiwala at nasisiyahan sa performance ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang bumaba naman ang kay Vice President Sara Duterte, ayon sa survey ng Tangere.
Base sa pinakabagong survey ng Tangere nitong Lunes, Setyembre 23, mula Agosto hanggang Setyembre ay tumaas ang bilang ng mga Pilipinong nagtitiwala umano kay Marcos, mula 58.5% patungo sa 58.8%.
Pagdating naman sa satisfaction rating, tumaas daw ang natanggap ng pangulo mula 46% patungo sa 46.4%.
Sa kabila nito, lumabas din daw sa naturang bagong survey na 23% ng mga Pinoy ang hindi nagtitiwala at 32% ang hindi nasisiyahan sa performance ni Marcos.
Samantala, bahagya namang bumaba umano ang trust rating ni Duterte, mula 57% noong Agosto hanggang sa 56.8% nitong Setyembre.
Maging ang satisfaction ng bise presidente ay bahagya umanong bumaba, kung saan 48.7% daw ang natanggap niya nitong Setyembre mula sa 49% na natanggap niya noong Agosto.
Lumabas din sa nasabing survey na 22% ang hindi nagtitiwala at 32% ang hindi nasisiyahan sa performance ni Duterte.
Isinagawa raw ng Tangere ang naturang survey mula Setyembre 16 hanggang 19 sa pamamagitan ng pag-survey sa 2,000 participants sa bansa.
Mayroon daw ±2.2% margin of error ang survey at 95% confidence level.