Sa gitna ng kaniyang pakikiisa sa “Kainang Pamilya Mahalaga Day” o “Family Day,” sinabi ni Vice President Sara Duterte na maging paalala raw sana ang pagdiriwang sa hinaharap na krisis sa pagkain ng maraming mga Pilipino.
“Ngayong araw, ipinagdiriwang natin ang pagsasama-sama sa hapag-kainan ng mga pamilyang Pilipino,” ani Duterte sa isang pahayag nitong Lunes, Setyembre 23.
Sinabi rin ng bise presidente na pagkakataon ang “Kainang Pamilya Mahalaga Day” para pagnilayan ang kahalagan ng simpleng pagsalo-salo na makatutulong din sa “para sa pagbuo ng mga alaala bilang isang pamilya na nagmamahalan.”
“Ang Kainang Pamilya Mahalaga Day ay sumasalamin sa payak na pamumuhay ng maraming pamilyang Pilipino at sa pagtataguyod ng masagana, mapayapa, at matatag na pamumuhay,” ani Duterte.
“Gayunpaman, paalalahanan sana tayo ng pagdiriwang na ito sa hinaharap na krisis sa pagkain ng maraming Pilipino.”
“Hangad ko na sana ay makaranas ng ginhawa ang mga Pilipino, lalo na ang may mga karamdaman at nahihirapan sa buhay. Muli, isang maligayang Kainang Pamilya Mahalaga Day sa ating lahat,” saad pa niya.
Sa bisa ng Proclamation 326 na inilabas noong 2012, ipinagdiriwang sa Pilipinas ang “Kainang Pamilya Mahalaga Day” tuwing ikaapat na Lunes ng buwan ng Setyembre kada taon.