Nagpasalamat si dating senador at vice presidential aspirant Atty. Kiko Pangilinan sa Partido Liberal ng Pilipinas (PLP) sa tiwalang ibinigay sa kaniya upang maging kinatawan ng partido para sa pagkasenador sa darating na midterm elections.
Nanumpa na si Atty. Kiko sa isang programang isinagawa ng Liberal Party noong Setyembre 20, na ibinahagi niya ang talumpati sa kaniyang social media posts.
Ngayong araw ng Linggo, Setyembre 22, nagpasalamat ang dating senador sa kaniyang partido at nangakong i-aalay niya ang tapang at puso para sa bayan.
"Maraming salamat sa aking partido, ang Partido Liberal ng Pilipinas, sa inyong pagnomina sa akin bilang kandidato sa pagkasenador sa darating na halalan," aniya sa X post.
"Maraming salamat sa tiwala at suporta. Inaalay ko nang buong tapang at buong puso ang aking pagtakbo para sa bayan," dagdag pa.
Samantala, ang nominees naman ng LP sa kongreso para sa partidong "Mamamayang Liberal" ay sina dating senador Leila De Lima, dating senatorial candidate Teddy Baguilat, at dating deputy speaker ng Kamara na si Erin Tañada.