Nagbigay ng reaksiyon si two-time Olympics gold medalist at Filipino pride gymnast Carlos Yulo kaugnay sa mga kontrobersiyang umaaligid sa kaniyang pagkatao.
Sa latest episode ng “Toni Talks” nitong Linggo, Setyembre 22, sinabi ni Carlos na kilala raw niya ang sarili niya at alam niyang malinis daw ang konsensya niya.
“Sa mga nagko-congratulate sa akin, talagang nagpapasalamat po talaga ako. Grateful ako na sine-celebrate nila ‘yong panalo ko,” panimula ni Carlos.
“Sa mga taong nanghuhusga, kilala ko naman po kasi ‘yong sarili ko. Alam ko kung ano ‘yong ginawa ko,” wika niya.
Dagdag pa niya: “Malinis ‘yong konsensya ko. Hindi naman nila ako kilala. Hindi naman nila nakita kung paano ako nag-training. So, lahat po talaga hindi ako natatamaan, hindi tumutusok at all.”
Para kasi kay Calos, hindi na raw nagma-matter pa ang mga panghuhusga kung alam naman niya sa sarili niya na wala raw siyang ginawa.
“And alam ‘yon ni Lord. Kahit gaano pa ako kagaling na tao sa gymnastics, kahit gaano pa ako naghirap sa mga preparation ko, kung hindi ako mabuting tao hindi ako ibe-bless nang gano’n, e,” aniya.
Gayunman, nilinaw ni Carlos na inihingi na raw niya ng tawad sa Diyos kung anoman ang maling nagawa niya sa kaniyang pamilya.
MAKI-BALITA: 'Mag-heal kayo!' Carlos Yulo napatawad na ang ina sa kabila ng mga ginawa sa kaniya