Tinawag ni dating Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon na isang “master stroke” ang naging pagbisita ni Vice President Sara Duterte kay dating Vice President Leni Robredo kamakailan.
Sa isang X post, iginiit ni Guanzon na nais umano ni Duterte na “mag-reach out” kay Robredo ngayong “kaaway” na raw niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“VP Sara's unannounced visit to FVP Leni was a master stroke. She wants to reach out to Leni now that BBM is her enemy,” ani Guanzon.
“It may not win her votes but it may win her some sympathy,” saad pa niya.
Matatandaang noong Biyernes, Setyembre 20, nang mapabalitang bumisita si Duterte kay Robredo sa tahanan nito sa Naga City.
BASAHIN: VP Sara Duterte, binisita si Ex-VP Leni Robredo sa Naga
Paliwanag naman ng Office of the Vice President (OVP), inimbitahan si Duterte ng isang kaibigan sa Bicol upang dumalo sa centennial anniversary mass ng Canonical Coronation of Our Lady of Peñafrancia.
Ang naturang kaibigan din daw ng bise presidente ang nag-organisa ng “casual meeting” kasama si Robredo.
BASAHIN: OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga
Pagkatapos nito, bumisita rin sina Senador Bong Revilla at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos kay Robredo para sa Pista.
BASAHIN: Sen. Revilla, Sec. Abalos binisita si ex-VP Leni
Kaugnay nito, sinabi naman ni Robredo na kapag ipinagdiriwang ang Pista ng Mahal na Ina ng Peñafrancia ay walang tinitingnan na kulay ang politika.
MAKI-BALITA: Ex-VP Leni sa mga bumibisita sa kaniya: 'Pag Peñafrancia, walang kulay ang politika'
Samantala, muling naging usap-usapan ang pagkabuwag ng tandem ng dalawang kasalukuyang top officials nang sabihin ni Duterte kamakailan na hindi niya kaibigan si Marcos.
MAKI-BALITA: VP Sara, hindi 'isang kaibigan' si PBBM; nagkakilala lang dahil sa eleksyon