“Ititindig natin ang gobyerno ng mamamayang Pilipino.”
Sa gitna ng paggunita sa ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law, iginiit ni Kilusang Mayo Uno (KMU) Secretary General at Makabayan senatorial bet Jerome Adonis na nananatili pa rin sa kasalukuyan ang paghihirap ng mga manggagawa at masang Pilipino, ngunit sa pagkakaisa raw ng mga mamamayan makakamit ang tunay na paglaya.
Sa kaniyang talumpati sa isinagawang kilos-protesta ng mga progresibong grupo sa harap ng University of the East nitong Sabado, Setyembre 21, binigyang-diin ni Adonis na 52 taon na raw ang nakalilipas mula noon ngunit hindi pa rin daw bumubuti ang buhay ng mga manggagawa at mga mamamayang dahil sa hindi magandang sistema ng bansa, tulad ng mababang pasahod sa kanila.
“52 years ang nakalipas, lalong tumindi, lalong naghirap ang mga manggagawa at mamamayang Pilipino. 52 years ang nakalipas, nananatili ang napakababang sahod, hindi mabuhay nang marangal ang aming pamilya. Hindi makakain ng masustansya ang aming mga anak kaya marami sa aming mga anak ay malnourished,” ani Adonis.
Binanggit din ng secretary general ng KMU na sa kasalukuyan daw ay marami sa mga manggagawa ang hindi mapaaral ang kanilang mga anak at maipagamot sa mga ospital tuwing may sakit dahil sa hirap ng buhay.
Kasabay nito, ani Adonis, lumalaki pa rin umano ang bilang ng mga kontraktwal sa bansa at maging mga manggagawang napipilitang mangibang-bansa maging overseas Filipino workers (OFW) para sa kaniyang pamilya.
“52 years ang nakalipas, itinuturing ang pag-uunyon na parang mga terorista. Winawasak ang aming unyon sa pamamagitan ng punyetang mga pulis na ito, ang mga militar sa kanayunan, ang NTFEL-CAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict), winawasak ang aming unyon. Hina-house-to-house ang amin gmga lider at sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso,” ani Adonis.
Sa kabila nito, sinabi ng Akbayan senatorial bet na ang pagkakaisa raw ng mga mamamayang ang susi upang matapos na ang inhustisyang kinahaharap ng masang Pilipino.
“Nasa manggagawa, nasa mamamayan ang lahat ng dahilan para tayo ay lumaban… Ititindig natin ang gobyerno ng mamamayang Pilipino. Ibabagsak natin ang kontrol sa politika, sa ekonomiya, kultura at militar, ng imperyalismong Estados Unidos, malalaking panginoong maylupa, at burukrata kapitalista,” pagbibigay-diin ni Adonis.
“At doon po, unti-unting pakikinabangan ng mamayang Pilipino. Lalaya tayo nang unti-unti sa lahat ng porma ng pagsasamantala,” saad pa niya.
Isa si Adonis sa sampung kandidato ng Makabayan Coalition sa pagka-senador para sa 2025 midterm elections.
MAKI-BALITA: Makabayan Coalition, pinangalanan na kanilang 10 senatorial bets sa 2025