November 25, 2024

Home BALITA National

KMP Chair Ramos sa Martial Law anniv: 'Never Again, Never Forget!'

KMP Chair Ramos sa Martial Law anniv: 'Never Again, Never Forget!'
(Photo: MJ Salcedo/Balita)

Ipinanawagan ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson at Makabayan Coalition senatorial bet Danilo Ramos ang hustisya para sa mga biktima ng Batas Militar at ng estado nitong Sabado, Setyembre 21.

Iginiit ito ni Ramos sa eksklusibong panayam ng Balita sa gitna ng isinagawang kilos-protesta ng mga progresibong grupo bilang paggunita ng ika-52 anibersaryo ng Martial Law.

“Ang malakas na panawagan ng mga magsasaka sa araw na ito ay hustisya para sa mga biktima ng Martial Law ni Marcos Sr. [at] hustisya para sa mga biktima ng terorismo ng estado,” ani Ramos.

“Never again. Never forget,” dagdag niya.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Matatandaang noong Setyembre 21, 1972 nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Martial Law sa buong bansa.

Base sa datos ng Amnesty International, 70,000 indibidwal ang inaresto, 34,000 ang tinorture, at 3,240 iba pa ang pinaslang ng mga militar at pulis sa ilalim ng Batas Militar.

Samantala, iginiit din ni Ramos sa naturang panayam na dapat umanong ipatupad ng kasalukuyang administrasyon ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, sa halip daw na mga programang tulad ng Kadiwwa at Rice Liberalization Law, kung nais talaga nitong paunlarin ang sektor ng agrikultura at kabuhayan ng mga magsasaka.

“Ang kailangan ng taumbayan ay paunlarin ang kanayunan, kaya tunay na reporma sa lupa, ipaglaban. Pagkain at pambansang soberanya. Tuloy ang laban hanggang sa tagumpay,” saad ni Ramos.

Isa si Ramos sa sampung kandidato ng Makabayan Coalition sa pagka-senador para sa 2025 midterm elections.

MAKI-BALITA: Makabayan Coalition, pinangalanan na kanilang 10 senatorial bets sa 2025