Inaasahang matatapos na ng Manila City Government ang payout ng monthly allowance ng may 203,000 senior citizens ng lungsod.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, sinimulan ang payout noong Setyembre 8, at magtatagal hanggang Setyembre 21.
Nabatid na bawat senior citizen ay dapat na nakatanggap ng tig-P2,000 cash aid mula sa city government.
Sinabi ni Office of Senior Citizens' Affairs (OSCA) chief Elinor Jacinto na ang naturang cash aid ay kumakatawan sa P500 na monthly allowance ng seniors para sa mga buwan ng Mayo, Hunyo, Hulyo at Agosto.
Aniya pa, ang payout, cashout at liquidation ng senior citizens' allowance ay pinangangasiwaan ni Public Employment Service Office (PESO) chief Fernan Bermejo.
Hinati aniya ang payouts sa dalawang distrito sa mga ispesipikong petsa at ang huling payout ay nakatakdang isagawa mula Setyembre 21 hanggang 27 sa District 5 at 6.