Isa nang ganap na bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) at pinangalanan itong “Igme”, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Setyembre 20.
Ayon sa PAGASA, nabuo bilang Tropical Depression Igme ang LPA dakong 2:00 ng hapon. Ito ang ikasiyam na bagyo ngayong taon.
Base naman sa advisory ng weather bureau dakong 5:00 ng hapon, huling namataan ang bagyong Igme 530 kilometro ang layo sa East Northeast ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 15 kilometers per hour.
Dahil dito, itinaas na ng PAGASA sa Signal No. 1 ang buong lalawigan ng Batanes.
Inaasahang daw na kikilos pa-west northwest ang bagyong Igme hanggang sa makalabas ito ng PAR pagsapit ng Linggo, Setyembre 22.
Ayon pa sa PAGASA, inaasahang mananatili sa “tropical depression” category ang bagyo hanggang sa unti-unti itong hihina at magiging low pressure area (LPA) sa Lunes ng madaling araw, Setyembre 23.