Nasagip ng Philippine Coast Guard Batanes nitong Huwebes, Setyembre 19, ang isang mangingisdang mahigit isang buwan nang nagpapalutang-lutang sa karagatan.
Ayon sa ulat ng PCG Batanes, kinilala ang nasabing mangingisda na si Robin Dejillo, 50-anyos na matagal nang pinaghahanap ng kaniyang pamilya magmula pa noong pumalaot ito noong Agosto 4, 2024.
Natagpuan sa karagatan ng Batanes si Dejillo lulan ng kaniyang bangka na ayon sa awtoridad ay inanod mula Infanta, Quezon matapos nitong maubusan ng gasolina at hindi na nakabalik ng pangpang.
Latang-lata, dehydrated, at halos hindi na umano makapagsalita si Dejillo nang masagip ng PCG Batanes.
Ayon pa rito, tanging tubig ulan, isda at niyog na nakita sa dagat ang iniinom at kinakain ni Dejillo sa loob ng mahigit isang buwan.
Matatandaang nauna nang nanawagan ang Coast Guard District Southern Tagalog noong Agosto 12, 2024 kung saan huli umanong nasilayan ang bangka ni Dejillo sa Dilasag, Aurora.
Samantala, agad na nilapatan ng paunang lunas si Dejillo at kasalukuyan ng nagpapagaling sa Batanes General Hospital.
Patuloy umano ang koordinasyon sa pagitan ng PCG Batanes at PCG Northern Quezon para sa maayos na pag-uwi ni Dejillo sa kaniyang pamilya sa lalong madaling panahon.
Kate Garcia