“Walang atrasan. Tuloy na tuloy na ang laban!”
Inanunsyo ni dating senador Leila de Lima ang kaniyang pagbabalik sa politika matapos niyang tanggapin ang alok sa kaniyang maging lead nominee ng Mamamayang Liberal (ML) Party-list para sa 2025 midterm elections.
Base sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Setyembre 20, sinabi ni De Lima na isusulong ng ML party-list sa House of Representatives ang “katarungan” sa bansa.
“In all humility and conviction, I accepted today the nomination as a lead nominee of the party-list Mamamayang Liberal (ML), the sectoral wing of the Liberal Party (LP), for next year's elections,” ani De Lima sa kaniyang post.
“Isusulong natin nang buong sigasig at katapatan ang katarungang panlipunan,” dagdag pa niya.
Co-nominee naman ni De Lima sa ML sina dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat at dating Quezon province 4th District Rep. Erin Tañada.
Matatandaang naging senador si De Lima noong 2016. Muli siyang kumandidato noong 2022 ngunit hindi pinalad na manalo.
Samantala, nito ring Biyernes nang ianunsyo ng LP na muling tatakbo para sa Senado si dating Senador Kiko Pangilinan, habang kakandidato naman bilang alkalde ng Naga City si dating Vice President Leni Robredo.
MAKI-BALITA: Ex-VP Leni Robredo, tatakbong alkalde ng Naga City