Nagpamudmod at nagpaskil ang Akbayan Party ng mga “wanted” poster ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque, at hinikayat ang publikong tumulong sa paghahanap dito upang harapin ang arrest order ng House Quad-Committee.
Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Setyembre 20, ibinahagi ng Akbayan ang ilang mga larawan ng pagpaskil nila ng poster ni Roque na may nakasulat na “WANTED, Harry Roque POGO lawyer” sa Quezon City at pamumudmod ng posters sa ilang mga residente sa lugar.
"Payo namin kay Roque na lumabas na sa pinagtataguan niya at harapin ang house committee. Hindi lang House of Representatives ang tumutugis sa kanya kundi mga mamamayan din," ani Akbayan Youth Secretary General Khylla Meneses.
Samantala, nanawagan din si Meneses sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagtunton kay Roque.
"We are calling on our citizens to join efforts to track down Harry Roque. Kung patuloy niyang susuwayin ang kanyang tungkuling sumunod sa sub poena ng House Quad Committee, gagawin namin ang tungkulin namin bilang mamamayan na tumulong sa pagtugis sa POGO lawyer," saad ni Meneses.
"His role and ties with the POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) industry are too obvious and blatant. Hindi na niya madadaan sa pagpapalusot at pagsisinungaling na dati na niyang ginawa para kay Duterte," dagdag pa niya.
Wala pa namang pahayag si Roque hinggil dito.
Matatandaang noong Setyembre 12 nang ipa-cite in contempt ng House quad committee si Roque sa ikalawang pagkakataon matapos hindi sumipot sa pagdinig at kabiguang magsumite ng mga hinihinging dokumento sa Komite, tulad ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ang pagdinig na isinagawa ng Komite ay hinggil imbestigasyon nito sa POGO na Lucky South 99, kung saan si Roque umano ang lumalabas na legal counsel nito.
MAKI-BALITA: Roque, ipina-cite in contempt dahil hindi isinumite ang SALN at iba pang dokumento sa House QuadCom
Matapos ilabas ang arrest order laban sa kaniya, nagtago si Roque, dahilan kaya’t tinawag siya ng chairperson ng quad-committee na si Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers na “pugante.”
Samantala, sa isang video message nitong Lunes, Setyembre 16, iginiit ni Roque na mahalaga raw ang kaniyang “kalayaan” kaya’t hindi na niya ito isusuko muli.
MAKI-BALITA: Harry Roque, 'di raw paaaresto: 'Hindi ko po isu-surrender muli ang aking kalayaan'