Ipinahayag ng House Quad Committee nitong Huwebes, Setyembre 19, na iimbitahan nito si Davao City First District Rep. Paolo Duterte sa susunod nilang pagdinig kaugnay ng giyera kontra droga ng administrasyon ng kaniyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Inanunsyo ito ng quad comm matapos ipahayag ni Rep. Duterte ang kagustuhan niyang magtanong sa mga resource person ng pagdinig.
“The letter states that there are questions that the Hon. Paolo Duterte wishes to ask the resource persons,” ani House Quad Comm Lead Co-Chair Rep. Robert Ace Barbers.
“May we just ask the committee secretary to please make sure that the invitation will be extended to Paolo Duterte in the next Quad Comm hearing with the topic on drugs and extrajudicial killings,” dagdag niya.
Matatandaang sa isang pagdinig ng quad-committee ay idinawit ni dating Customs Intelligence Office Jimmy Guban si Rep. Duterte sa drug smuggling incident noong 2018, bagay na pinabulaanan naman niya.
Samantala, matatandaang inihayag ni human rights lawyer Chel Diokno kamakailan na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno