January 23, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga inisyatibo ng NCCA sa pagpapakilala ng kultura ng mga katutubo

ALAMIN: Mga inisyatibo ng NCCA sa pagpapakilala ng kultura ng mga katutubo
Photo Courtesy: NCCA (FB)

Ano-ano nga ba ang mga hakbang na ginagawa ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) upang higit na makilala ng mga nasa labas ng komunidad ng mga katutubo ang kultura ng mga ito?

Sa isinagawang press conference ng NCCA nitong Miyerkules, Setyembre 18, bilang paghahanda sa National Indigenous Peoples Month 2024, sinagot ni Subcommission on Cultural Communities and Traditional Arts (SCCTA) Commissioner Reden S. Ulo ang nasabing tanong.

Ayon kay Ulo, marami raw inisyatibo ang NCCA para maipakilala ang kultura ng mga katutubo sa mga tagalabas katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Una na rito ang tinatawag umanong Educational Information Campaign Drive. Sa bawat munisipalidad daw ay may culture and arts council. At sa pamamagitan nito ay naipapalaganap ang cultural sensitivity at awareness.

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

“Number two,” sabi ni Ulo, “there is a capacity building through APCC. APCC is the Assistance Program for Cultural Communities which is under the program of SCTA.”

“Doon po sa APCC mayroon tayong capacity building. One of the topics is the cultural awareness and sensitivity. So that other people [na] galing sa mainstream ay magkaroon ng awareness,” wika niya.

Ikatlo naman daw ay ang cultural education program. Ginamit na halimbawa ni Ulo ang lugar nila sa Lake Sebu kung saan itinuturo daw doon ang Indigenous Knowledge Systems and Practices (IKSP) sa informal o formal school man.

Dagdag pa niya: “There’s also grants from the NCCA  for example in the Sikat Pinoy during the trade fair. Sa trade fair, hindi lamang ‘yong pagbebenta ng [katutubo ng] kanilang arts and craft. Mayroon ding demonstrations.”

Pero lahat umano ito—ayon kay Ulo—ay hindi lang daw inisyatibo upang magkaroon ng kamalayan ang mga Pilipino kundi para rin sa turistang interesado sa kultura ng mga katutubong nasa Pilipinas.

Maliban sa mga binanggit ni Ulo, idinagdag din ni OIC-Chief of Program Management Division Renee Talavera ang assistance for Filipino artisans.

“Ito naman po ‘yong ating mga grupo, pamilya, individuals na nangangailangan pong ipagpatuloy ang kanilang paggawa ng mga crafts at iba pang art forms na ang kailangan po ay mga materials, supplies o tulong sa capacity building,” ani Talavera.

Ugnay naman sa usapin ng edukasyon para maging culturally sensitive ang mga nasa loob o labas ng bansa, may koneksyon umano ang NCCA  sa mga international organizations tulad sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organizations (UNESCO).

Nakikipagtulungan din umano ang Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil dito sa pamamagitan ng paglulunsad sa kani-kanilang website at Filipino community ng edukasyon sa kultura.

Bukod dito, maituturing ding hakbang sa pagpapalaganap ng kamalayang pangkultura ang taon-taong pagdiriwang ng Heritage Month, National Arts Month, Food Month, at Literary Month.

Ayon pa kay Talavera: “Isa rin po ‘yong mga exhibitions and performances. Mayroon po tayong exhibits. Magkakaroon po sa October 1 sa Pampanga ‘yong mga Schools of Living Traditions (SLT).”

Kaya naman makiisa na sa National Indigenous Peoples Month 2024 sa darating na Oktubre 3 hanggang 5 na gaganapin sa Lake Sebu, South Cotabato upang lalo pang mapalawak ang kaalaman at kamalayan hinggil sa mga katutubo. 

Ang tema ngayong taon ng nasabing pagdiriwang ay "Katutubong Filipino: Pagtibayin ang Tagumpay 2030" na nakatuon sa pagpapanatili at pagpapahusay ng mga kultural na komunidad sa mga tagumpay nila habang pinangangalagaan ang kanilang intangible cultural heritage (ICH) sa darating na 2030.