ROMUALDEZ FOR PRESIDENT?
Sinabi ni Vice President Sara Duterte na tatakbo umano bilang pangulo ng bansa sa 2028 si House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang ambush interview nitong Miyerkules, Setyembre 18, ayon kay Duterte, sinabi sa kaniya ng mga kaalyado niya sa House of Representatives na pinag-uusapan umano ang tungkol sa impeachment niya at pagkandidato ni Romualdez sa 2028.
“Ang sinasabi sa akin ng mga taga-Mindanao ay pinag-uusapan talaga ang impeachment. At kapag tinatanong sila kung ano ang mangyayari sa 2028, ang sinasabi nila si Speaker Martin Romualdez ang candidate for 2028,” anang bise presidente pagkatapos ng pagdinig ng Committee on Good Government and Public Accountability na nag-iimbestiga ng umano'y "misuse" ng pondo ng kaniyang tanggapan.
Matatandaang umuugong na rin ang usapin tungkol sa pagtakbo ni Romualdez bilang pangulo. Gayunman noong Hunyo, hindi nagbigay ng tiyak na sagot si Romualdez kung balak ba niyang tumakbong pangulo sa 2028.
Ang sagot niya lang ay "matagal pa 'yun."
BASAHIN: Romualdez sa pagtakbo bilang pangulo: 'Matagal pa 'yun'
Kaugnay nito, itinanong kay Duterte kung may plano ba siyang tumakbong pangulo sa 2028.
“Noong 2019, tinanong ninyo ako kung tatakbo ako sa 2022 [elections] at sinabi ko na mag-announce ako na tatakbo ako or hindi, January 2021,” aniya.
“Sa ngayon, at this very minute, magsasabi ako kung tatakbo ako [sa 2028 elections] sa fourth quarter ng 2026,” dagdag pa niya.
BASAHIN: VP Sara, nag-resign sa DepEd dahil kinuha raw nina Romualdez at Co ang budget ng ahensya
Habang isinusulat ito, wala pang pahayag si Romualdez para kumpirmahin o pabulaanan ang naging pahayag ni Duterte tungkol sa pagtakbo umano niya sa 2028.
Samantala, kamakailan lang, isiniwalat ni Duterte ang isa sa mga rason kung bakit umano siya nagbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Sinabi niya na kinuha umano nina Romualdez at Appropriations Chair Zaldy Co ang budget ng DepEd–na isa sa mga dahilan kung bakit umano siya nag-resign bilang Kalihim.