Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na mahigit na sa 600,000 deactivated voters ang nag-apply ng reactivation para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, mula sa 6.4 milyong aplikasyon para sa voter registration ang natanggap nila, 600,000 ang mga botante na nagpapa-reactivate.
Inaasahan naman aniya nila na mas darami pa ang mga botanteng magpapa-reactivate sa nalalabing dalawang linggo ng voter registration.
Matatandaang una nang pinalawig ng Comelec ang deadline ng online application para sa reactivation sa Setyembre 25 mula sa dating Setyembre 7 lamang.
Sa pinakahuling datos na ibinahagi ng Comelec, nabatid na hanggang Setyembre 11, 2024, kabuuang 5,376,630 na ang mga botanteng kanilang na-deactivate para sa May 12, 2025 polls.
Karamihan sa mga ito ay na-deactivate dahil sa pagkabigong makaboto sa dalawang magkasunod na halalan, sa pamamagitan ng court order, pagkawala ng Filipino citizenship at kabiguang ma-validate ang mga dokumento.
Nanawagan naman si Laudiangco sa mga deactivated voters na mag-aplay na sa reactivation upang makaboto sa susunod na halalan.
Aniya, maaari silang mag-apply ng reactivation online hanggang sa Setyembre 25 basta’t mayroon silang kumpletong biometrics local Comelec office kung saan sila nagparehistro.
Kinakailangan lamang umano nilang makipag-ugnayan sa official email address ng Offices of Election Officer nationwide, na maaaring matagpuan sa opisyal na website ng Comelec.
Ang voter registration sa bansa ay nakatakda nang magtapos sa Setyembre 30, 2024.