Matapos umani ng mga negatibong reaksiyon sa netizen bunsod ng nag-viral na “the-day-in-the-life” promotional video ng Lola Nena’s, naglabas ng opisyal na pahayag ang co-founder nitong si Steffi Santana na siya ring bumida sa nabanggit na video.
Sa isang Instagram post noong Sabado, Setyembre 14, 2024, humingi ng tawad si Santana sa publiko at inaming hindi siya naging maingat sa paglalahad ng istoryang nais ilabas para sa promotion ng kompanya.
Steffi Santana | I’m sorry po | Instagram
“I am so sorry for the day-in-the-life video that I posted with the “working lunch.” Pinanood ko 'yung video over and over and sobrang nakaka-frustrate," saad ni Santana.
Matatandaang nakuha ng ngayo’y deleted video, ang inis ng netizens matapos mapanood sa naturang content ang umano’y “working lunch” ng mga empleyado nito.
Hindi nagustuhan ng mga netizen na habang naka-lunch break sina Santana at iba pang mga kasama ay nagsasagawa pa sila ng meeting para sa kompanya.
“Siyempre ‘yung lunch hindi lang ‘yan break. Isa pa ‘yang chance to clarify and remind ourselves, ano ba ‘yung main goal natin? And paano ba natin maki-keep yung sarili natin accountable to those main goals?” pagsasaad ni Santana sa viral video.
Katwiran ng mga netizen, hindi dapat ginagamit at kinukuha ang lunch break ng mga empleyado para sa “work-related errands” dahil karapatan ng lahat na makakain nang maayos at makapagpahinga sa trabaho.
Ang atakeng ito ni Santana sa video ay tinawag na “narcissist” ng netizens.
“The narcissism is strong in this one.”
“Oh no, lunch time is a quiet time to eat and relax, ano ba yan?”
“Is this a promotion? Coz it feels like she’s bragging about herself.”
“She's trying so hard to look empowering.”
“I liked the brand better before I saw this.”
“She really said, how can I make this about me?”
Kaya giit naman ni Santana na nauunawaan niya raw ang pinanggagalingang pagkadismaya ng netizens at inaming naging “iresponsable” siya sa pagbuo ng naturang viral content.
“I am sorry for being so careless and irresponsible with my words and actions. Hindi po ito ang intention ko. Ako po mismo galit din kapag may unfair o naaagrabyado. I’m sorry for posting it without context,” dagdag pa ni Santana.
Samantala, nagpasalamat din siya sa mga puna at komentong natanggap.
“Naiintindihan ko kayo. Tama na mayroong platform na makapag-comment and speak-out kapag may mga bagay na hindi dapat.”
Sa huli, nangako naman siyang mas pagbubutihin pa ang Lola Nena’s at muling nagpasalamat sa patuloy na sumusuporta sa naturang local merienda chain.