January 23, 2025

Home BALITA

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget
Photo courtesy: Dante Marcoleta (FB)

Pinigilan umano ng House leadership si Congressman Rodante Marcoleta na makapagtanong sa plenary debates hinggil sa panukalang ₱6.352-trillion National Budget para sa FY 2025 na sinimulan noong Setyembre 16, 2024.

Ayon sa video ni Cong. Marcoleta na naka-post sa kaniyang Facebook page, nakatalaga raw sana siyang magtanong ng ilang bagay dahil nais raw sana niyang malinawan kung ano-ano ang mga bahagi ng ₱6.352T na magiging tulay raw ng mga kababayang hikahos sa buhay para maibigay ang mga benepisyo para sa kanila.

Alam daw ni Marcoleta na dalawa raw ang target ng national budget para sa isang taon, at ang nais daw niyang maitanong ay kung magkano ang nakalaang bahagi para sa mga kababayang hikahos na hikahos sa buhay, lalo na't ito raw ang nirerepresenta ng party-list na SAGIP.

"One digit inflation o 9 digit poverty incident, nangangahulugan pong talagang mababawasan po ang mahihirap, ngunit dahil nga po sa wala namang gumagawa, walang nagsisimula para gawin, nananatili pong mahirap ang mahirap," aniya.

National

Lindol sa Zamboanga del Norte, ibinaba na ng Phivolcs sa magnitude 5.4

Dagdag pa ni Marcoleta, isa na naman umanong "tradisyon" ang mukhang ayaw na namang pahalagahan, dahil ngayon lamang daw niya nakita na ang miyembro ng majority ay pinigilang magtanong at puro lamang nagmula sa minority.

"Ang tradisyon po namin mauuna lamang magtanong 'yong minority, pagkatapos ang kasunod naman ay majority, maging alternate na po 'yon hanggang maubos na 'yong minority dahil kakaunti lang sila, kami namang majority ngayon ang puwede nang magtanong sa lahat ng ahensya," paliwanag ng kongresista.

"Ngunit hindi po tayo pinayagan, wala po tayong magagawa. Ang akin lang po sanang pagtatanong ay nakatuon lamang doon sa tinatawag na general principles," dagdag pa niya.

Hindi na raw siya pinayagang magtanong dahil ang layunin daw ng mga kasama ay tapusin na agad ang budget hearing sa plenaryo sa lalong madaling panahon.

Nalulungkot daw si Marcoleta dahil hindi raw dapat mabilisan ang pag-uusap tungkol sa national budget, lalo't kailangan daw makilatis, maipaliwanag, at mailahad sa taumbayan na siyang magiging benepisyaryo ng malaking halaga, kung saan mapupunta ang trilyong pondo para sa 2025.

"Ilang kababayan nating mahihirap ang mababawas natin sa kanilang bilang, iyon sana ang kailangang masagot dito, sa bawat budget na inilalatag natin taon-taon, nasisiguro sana natin na mayroon tayong napapa-graduate sa kahirapan ng mga kababayan natin, hanggang sila ay maubos."

TINGNAN: Facebook

Kung gagayahin daw ang bansang China, isang taon lang dapat ay naka-graduate na raw sa kahirapan ang mga mamamayan. Ito raw ang nais niyang masagot nang diretso.

Matatandaang sa budget hearing para sa Office of the Vice President kamakailan ay umalma rin si Marcoleta sa tila hindi pagsunod sa tradisyon ng mga kasamahan sa komite, at ipinagtanggol si Vice President Sara Duterte.

MAKI-BALITA: Marcoleta, pinagsabihan kapwa kongresista: 'You may not like the person... but respect the OVP!'