November 24, 2024

Home BALITA National

Harry Roque, 'di raw paaaresto: 'Hindi ko po isu-surrender muli ang aking kalayaan'

Harry Roque, 'di raw paaaresto: 'Hindi ko po isu-surrender muli ang aking kalayaan'
(Courtesy: Harry Roque/FB via MB)

Sa gitna ng kaniyang pagtatago sa mga awtoridad, iginiit ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na mahalaga raw ang kaniyang “kalayaan” kaya’t hindi na niya ito isusuko muli.

Matatandaang noong Setyembre 12 nang ipa-cite in contempt ng House quad committee si Harry Roque sa ikalawang pagkakataon matapos hindi sumipot sa pagdinig at kabiguang magsumite ng mga hinihinging dokumento sa Komite. 

MAKI-BALITA: Roque, ipina-cite in contempt dahil hindi isinumite ang SALN at iba pang dokumento sa House QuadCom

Matapos ilabas ang arrest order laban sa kaniya, nagtago si Roque, dahilan kaya’t tinawag siya ng chairperson ng quad-committee na si Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers na “pugante.”

National

Anumang banta sa buhay ng pangulo, isang usapin ng ‘national security’ – Año

Kaugnay nito, sa isang video message na inilabas nitong Lunes, Setyembre 16, iginiit ni Roque na sa Kongreso lamang umano siya pugante.

“Hindi ako pugante dahil ako po ay lumabag sa batas. Pugante ako sa Kongreso lamang, wala po akong pakialam. Dahil ang tingin ko naman, kung ako ay na-cite in contempt of Congress, ang Kongreso naman po, cited in contempt of the people of the Philippines,” ani Roque.

“Hindi po tama 'yung ginagawa nila. Pasigaw-sigaw, kapag ayaw ng sagot, contempt kaagad. Nagpa-power tripping na po sila,” dagdag niya.

Inakusahan din ni Roque ang Kongreso na naninira umano sa pamilya Duterte.

“Maski wala silang batas na binubuo, tuloy-tuloy ang paninira nila sa pamilya Duterte, doon sa extrajudicial killings, sa (ilegal na) droga, at POGO. Hindi po tama ‘yan. Ako po ay naging mambabatas. Binibigyan ko po ng importansya ‘yung institusyon. Pero anong batas ba ho ang bubuuin nila?” aniya.

Samantala, sinabi rin ni Roque na hindi na hihintayin daw niya ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa kaniyang kaso at hindi na raw muli isusuko ang kaniyang kalayaan.

“Ang tanong, magpapaaresto ba ako o hindi? Well, naniniwala po kasi ako na kapag ang Kongreso ay lumabag sa kaniyang kapangyarihan at naging guilty of abuse of power at grave abuse of discretion amounting to lack of jurisdiction, ilegal po ang kanilang order,” saad ni Roque.

“Kinikilala ko po na kinakailangang magkaroon ng desisyon sa Korte Suprema. Kaya nga po aantayin ko ang desisyon ng Korte Suprema.

“Samantalang naghihintay po ako, importante po ang aking kalayaan. Hindi ko po isu-surrender muli ang aking kalayaan gaya ng nangyari noong una, na na-surrender ko siya nang isang araw,” dagdag pa niya.

Matatandaang kamakailan lamang ay nag-detain si Roque sa loob ng 24 oras sa House of Representatives dahil umano sa "pagsisinungaling."