Matapang na sinambit ng cardiologist at dating vice president aspirant na si Doc Willie Ong ang katangian ng mga politiko sa Pilipinas.
Sa video statement niya na inilabas nitong Lunes, Setyembre 16, sinabi ni Ong na corrupt umano ang mga halal na opisyal sa bansa.
“Pasensya na po mga politiko. Masasagasaan ko na kayo ngayon. Anyway I’m dying. I don’t care anymore. I will tell you the truth: politicians are corrupt in the Philippines,” saad ni Ong.
Ayon kay Ong, ayaw na raw sana ng pamilya niya na gawin pa niya ang nasabing video statement. Pero utang daw niya sa mga Pilipino ang magpakatotoo.
Aniya: “Mahal na mahal ko po kayong lahat. Hindi n’yo naiintindihan kung gaano ko kayo kamahal. Bawat takbo ko para po sa inyo. Hindi para sa akin.”
“Unang campaign ko wala akong gastos. Pangalawa, wala akong gastos. Wala akong niloko. Wala akong inaway. Anong ginawa n’yo? Binash n’yo ako nang binash. Sumama sobra ang loob ko,” naiiyak na sabi ng doktor.
Matatandaang noong Sabado, Setyembre 14, ay isiniwalat ni Ong na mayroon umano siyang Sarcoma cancer at posibleng ang dahilan umano nito ay stress dulot ng mga nababasang komento sa Facebook.
MAKI-BALITA: Doc Willie, nakuha raw ang cancer dahil sa stress sa comments ng bashers