Bukod sa binabantayang bagyo sa labas ng bansa, nabuo na rin bilang bagyo ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) at pinangalanan itong bagyong “Gener.”
Base sa public weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 8:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng Tropical Depression Gener 315 kilometro ang layo sa East Northeast ng Casiguran, Aurora.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pa-west northwest sa bilis na 10 kilometers per hour.
Dahil dito, nakataas na sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar sa Luzon:
Eastern at central portions ng Mainland Cagayan (Piat, Santo Niño, Camalaniugan, Tuao, Lal-Lo, Enrile, Gonzaga, Alcala, Amulung, Santa Teresita, Baggao, Buguey, Solana, Rizal, Santa Ana, Tuguegarao City, Gattaran, Peñablanca, Iguig, Lasam, Aparri, Ballesteros, Allacapan, Abulug)
Isabela
Quirino
Eastern portion ng Nueva Vizcaya (Alfonso Castaneda, Kasibu, Dupax del Norte, Quezon, Diadi, Bayombong, Ambaguio, Bagabag, Villaverde, Aritao, Bambang, Dupax del Sur, Solano)
Eastern at southern portions ng Apayao (Conner, Flora, Pudtol, Santa Marcela, Luna, Kabugao)
Kalinga
Eastern at central portions of Mountain Province (Paracelis, Sadanga, Bontoc, Natonin, Sabangan, Barlig)
Ifugao
Aurora
Eastern portion ng Nueva Ecija (Carranglan, Pantabangan, Bongabon, Gabaldon, Laur, General Tinio, Rizal, General Mamerto Natividad, Palayan City)
Northern portion ng Mainland Quezon (General Nakar, Infanta, Real) kabilang na ang Polillo Islands
Ayon sa PAGASA, posibleng magiging limitado ang paglakas ng bagyong Gener sa mga susunod na dalawang araw, ngunit inaasahan itong itataas sa “tropical storm” category pagsapit ng Miyerkules, Setyembre 18, pagkatapos nitong makarating sa West Philippine Sea (WPS).
Inaasahang lalabas ng PAR ang bagyo pagsapit din ng Miyerkules.
Ang Tropical Depression Gener ang ikapitong bagyo sa bansa ngayong taon.
Samantala, bukod sa bagyong Gener, pinalalakas din daw ng bagyo sa labas ng PAR na may international name na “Pulusan” ang southwest monsoon o habagat na nakaaapekto rin sa ilang bahagi ng bansa, partikular na sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.