Umaabot na ngayon sa 18 ang kumpirmadong kaso ng mpox (dating monkeypox) sa Pilipinas.
Sa isang pulong balitaan nitong Lunes, kinumpirma ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na hanggang Agosto 18 ay nakapagtala pa sila ng tatlong bagong kaso ng sakit sa bansa.
Nabatid na ang mga bagong pasyente ay pawang lalaki at mula sa Calabarzon.
Ayon kay Teodoro, “As of August 18, labingwalo na po ang ating confirmed mpox cases."
Sa nasabing bilang, limang pasyente na ang nakarekober habang ang 11 kaso pa ay kasalukuyang nagpapagaling sa kanilang mga tahanan.
Tiniyak naman ni Herbosa na kaagad nakapag-isolate ang mga pasyente at wala nang naihawa pang iba.
“Ang maganda rin, ang lahat ng 18 na na-pick up namin as of now, wala pang nahawang iba,” anang kalihim.
Dagdag pa niya, pawang mga bagong kaso ang kanilang naitatala at walang kaugnayan sa isa't isa.
“Wala silang epidemiological link," aniya pa.
Hinala naman ni Herbosa, posibleng may mga pasyente na tinamaan ng mpox na hindi nagpasuri sa doktor ang nakahawa sa kanila.
Kaugnay nito, pinayuhan niya ang publiko na kaagad na magpakonsulta sa doktor kung makitaan ng mga sintomas ng mpox.
Tiniyak naman ng DOH na wala pang pasyente ng mpox na nasawi dahil puro mild lamang ang dumapong sakit sa kanila.