Itinanong ni Senador Ronald "Bato" Dela Rosa sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung qualified ba siyang sumailalim sa hair follicle test kahit na kalbo raw siya.
Nitong Lunes, Setyembre 16, sa pagdinig ng Senate Finance subcommittee, tinalakay ang drug testing kung saan nabanggit ng senador ang tungkol sa hair follicle test.
"We did a little bit of research on the hair follicle test... Ang problema po sa hair follicle test, 'pag ginupit ko na 'yung buhok ko, wala ka na. Zero na," saad ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo.
"Eh ako, kalbo ako. Hindi ako qualified mag-hair follicle test?" tanong ni Dela Rosa.
Sagot ni Lazo, "wala, sir."
Segunda ni Dela Rosa, "Kapag sinabing hair, hair lang talaga sa ulo? Baka puwede 'yung hair sa ilong, hair sa genitals?"
"Yes, sir. Pwede lahat," sagot PDEA Director General.
Dagdag pa niya, "Paano kung shinave n'yo, sir? Kasi once na pinutol mo 'yung buhok mo, wala nang traces doon... Anybody who wants to do hair follicle test pero shaved na pala siya, useless na. Pati babae for example, wala na siya, useless."
Itinanong naman ng senador ang time period ng drug use na kayang ma-detect ng hair follicle test sa isang taong.
"The standard period for the detection of drugs in hair, it would vary, but the average is 90 days," sagot naman ni PDEA Laboratory Service acting director Angela Salvador.
Gayunman, hindi pa raw "capable" ang PDEA para magsagawa ng hair follicle testing pero dinedevelop na raw nila ito.
Sa kasulukuyan, ihi ang ginagamit kapag isinasagawa ang drug testing. Ngunit ang nade-detect lamang nito ang "recent use" ng isang tao, at depende sa uri ng ginamit na droga.