Nakataas pa rin sa Signal No.1 ang 19 lugar sa Luzon dahil sa Tropical Depression Gener na patuloy na kumikilos papalapit sa Northern Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 5:00 ng hapon nitong Lunes, Setyembre 16.
Sa tala ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Gener 290 kilometro ang layo sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 10 kilometers per hour.
Dahil dito, nakataas na sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar sa Luzon:
Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands
Isabela
Quirino
Nueva Vizcaya
Apayao
Kalinga
Abra
Ifugao
Mountain Province
Benguet
Ilocos Norte
Ilocos Sur
La Union
Pangasinan
Zambales
Tarlac
Nueva Ecija
Aurora
Northern portion ng Quezon (General Nakar, Infanta, Real) kabilang na ang Polillo Islands
Ayon sa PAGASA, inaasahang magla-landfall ang bagyong Gener sa vicinity ng Isabela o Aurora ngayong Lunes ng gabi o sa Martes ng madaling araw, Setyembre 17, at saka kikilos sa coastal waters ng La Union o Pangasinan sa Martes ng umaga o tanghali.
Posible namang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa pagitan ng Martes ng gabi o sa Miyerkules ng umaga, Setyembre 18.