Matapos kumalat ang gawa-gawang balita sa umano’y pagpanaw ni Alyssa “Phenom” Valdez nitong Setyembre 14, umalma rito si Creamline Team Manager Alan Acero na nagpahayag ng pagnanais na paimbestigahan ang nasabing satirical post.
MAKI-BALITA: https://balita.mb.com.ph/2024/09/15/alyssa-valdez-pinatay-sa-isang-page-fans-nataranta/
Sa X platform kung saan umabot din ang naturang balita, nag-reply sa isang fan si Alan Acero na agad ding sinang-ayunan ng volleyball community.
“Please send me the link to this post so we can investigate asap. We will not stand for this," aniya.
Umaksiyon din ang ilang fans at nanawagang ipa-mass report ang Facebook community na nagpabaya sa pagpapakalat ng fake news.
Samantala, sa sumunod na thread, agad ding natunton ng ilang fans ang umano’y Admins at Moderators ng Facebook group na kinilalang sina Princess Lazaro at Kerv’z Angelo.
Bunsod ng pag-alma ni Acero, nanawagan din ang fans sa One Sports, na siyang nabiktima rin ng nasabing post matapos palabasin na ang anunsiya ay galing umano sa official verified Facebook account nito.
Matatandaang ilang oras matapos bumoses ni Acero sa X ay mabilis na nabura ang satirical post kasama ang mismong Facebook group kung saan unang sumabog ang balita.
Kate Garcia