November 28, 2024

Home FEATURES Human-Interest

KILALANIN: Si Vivo at ang kaniyang isang dekadang 'Kapangyarihan'

KILALANIN: Si Vivo at ang kaniyang isang dekadang 'Kapangyarihan'
Photo Courtesy: Ralph Mendoza/Balita, 19th Avenida Publishing House (FB)

Isang dekada na ang nakalilipas simula nang isulat ni Ronald Vivo, Jr. ang “wasak” niyang nobela na pinamagatang “Ang Kapangyarihang Higit sa Ating Lahat.”

Si Vivo ang isa umano sa mga kailangan ng panitikang Pilipino, ayon sa guro at nobelistang si Amado Anthony Mendoza III. Sa pananalita naman ng nobelista at kuwentistang si Norman Wilwayco, siya raw ang bagong Edgardo M. Reyes.

Maituturing si Vivo bilang premyadong manunulat dahil kinilala na ang kaniyang mga akda sa Madrigal-Gonzales First Book Award, National Book Award, at Gawad Bienvenido Lumbera.

Pero bukod sa pagsusulat, musikero din si Vivo. Siya ang nagsisilbing drummer sa mga banda niyang Basalt Shine, AbangLupa, The Insektlife Cyclye, Dagtum, at Imperial Airwaves. 

Human-Interest

WFH employee, nagbigay-pugay sa supportive niyang ina: 'Dahil pala sa kaniya...'

Sa kaniyang unang nobela, ipinamalas agad ni Vivo ang tapang niya para ipasilip sa mga mambabasa ang isang bahagi ng lipunang nariyan nga ngunit iniiwasan ng marami. Ipinakilala niya sa mga mambabasa ang mga tauhang paulit-ulit na isinusuka ng mga kasu-sukang institusyon.  

Sabi nga ni Jun Cruz Reyes, kinalkal umano ni Vivo sa “Kapangyarihan” ang tema ng mga anti-social na walang silbi sa lipunan. 

Nakasentro kasi ang kuwento ng nobela sa isang holdaper na nasangkot sa krimeng hindi niya naman ginawa. Susubukan niyang linisin ang anomang ebidensiyang magdidiin sa kaniya sa tulong ng isang kaibigan. Pero sa gitna ng pagtatangkang ito, matutuklasan nila ang mas marahas na katotohanan.

Masasabing tagumpay ang unang nobela ni Vivo dahil bukod sa naging finalist ito sa Madrigal-Gonzales First Book Award, nasundan pa ito hindi lang ng isa kundi dalawang nobela na bubuo sa Dreamland Trilogy: “Ang Kapangyarihang Higit Sa Ating Lahat,” “Ang Bangin Sa Ilalim Ng Ating Mga Paa,” at “Ang Suklam Sa Naaagnas Nating Balat.” 

Kaya naman sa ginanap na 2024 Manila International Book Fair ay binigyan ng bagong-bihis ang nobela sa tulong ng 19th Avenida Publishing House para sa ikasampung taon nitong pag-iral. 

Maliban sa paglulunsad ng 10th anniversary edition ng “Kapangyarihan” sa SMX Convention Center nitong Sabado, Setyembre 14,  nagkaroon din ng panayam si Vivo. At narito ang ilan sa mga tanong na sinagot niya sa limitadong question and answer portion.

Bukod sa karanasan sa buhay, may mga naging inspirasyon po ba kayong ibang nobela tulad ng [Kapangyarihan]? 

Ayon kay Vivo, bagama’t lumaki umano siya sa pagbabasa ng mga nobela nina Bob Ong, Lualhati Bautista, at Jun Cruz Reyes, pelikula raw ang pinakapinaghuhugutan niya ng inspirasyon sa pagsusulat.

“Walang akong makitang ibang medium kundi film. Lino Brocka, Ishmael Bernal, Mike De Leon. And then Hong Kong films,” aniya.

Dagdag pa ni Vivo: “Ang ginagawa ko, nagbabasa ako ng script. Pwede n’yong i-download online. [...] Tapos tinitingnan ko ‘yong script. Paano pinagagalaw ‘yong mundo? And then baka pwedeng gawin sa novel.”

Ano ang masasabi mo sa puna ng ilang mambabasa na wala umanong agency ang mga babaeng karakter sa Dreamland trilogy para iligtas ang kanilang mga sarili?

“10 years ago ako’y 23 years old,” panimula ni Vivo,” then iatras natin ‘yong panahon. Ako’y lumaki sa lugar na hindi n’yo talaga ma-imagine. [...] Until now nando’n kami.”

“Araw-araw naririnig namin ‘yong karahasan sa kapit-bahay. Mapalad kami dahil ‘yong mga magulang namin hindi kasing-bayolente no’ng mga kapit-bahay namin. Pero araw-araw na ginawa ng buhay namin, ‘yong mga kalabog, ‘yong mga murahan, nandyan. ‘Yon ‘yong nakita ko,” aniya.

Kaya depensa ni Vivo, iniuulat lang umano niya kung anoman ang nasaksihan niya sa lugar na kaniyang kinalakhan kung saan halos araw-araw umanong may dinadahas.

“At ‘yong reyalidad na ‘yon hindi nila pinili,” sabi niya. “‘Yong reyalidad na ‘yon, ang nagmamay-ari no’n ay ‘yong may kapangyarihan.”

Gayunman, hindi raw niya masisisi ang ilang mambabasa kung may nakikita silang gano’ng klaseng anggulo sa kaniyang mga nobela lalo na sa mga nagsusulong ng inclusivity.

Dahil sa tagumpay ng trilohiya, bukas ka ba sa posibilidad na gawing pelikula ang mga nobela mo?

“Of course, yeah,” sabi ni Vivo. “May lumapit na ba para isapelikula ang tatlong novels? Secret!” 

Kaya naman habang nag-aabang sa posible pang marating ng mga nobela ni Vivo, maaaring mabasa ang kaniyang Dreamland trilogy na mabibili sa online store ng 19th Avenida Publishing House.