Tatakbong senador ang mga lider-manggagawang sina Ka Leody de Guzman at Luke Espiritu sa 2025 midterm elections.
Inanunsyo ito nina De Guzman at Espiritu sa pagdiriwang ng ika-31 anibersaryo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) nitong Sabado, Setyembre 14.
Sa kaniyang talumpati sa pagtitipon, iginiit ni De Guzman na dapat na umanong tuldukan ang “political dynasty” dahil ito raw ang puno’t dulo ng lahat ng problemang kinahaharap ng mga mamamayan sa bansa sa kasalukuyan.
“Hangga’t dynasty ang gobyernong nakapwesto sa tuktok, [sa] Malacañang, Kongreso, Senado, hindi magwawakas ang hinagpis araw-araw ng mga mamamayan, ng mga manggagawa, ng mga maralita, ng mga magsasaka. Hindi iyon maaalis dahil wala silang gagawin kundi ang mga bagay na para sa kanila, at ang mga bagay na para sa kanila ay kontra o laban sa atin,” giit ni De Guzman.
Pinuri rin ni De Guzman ang Makabayan Coalition na bumuo ng sarili nitong senatorial slate para sa susunod na eleksyon dahil kontribusyon daw ito “sa kabuuang pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan para sa panlipunang pagbabago.”
MAKI-BALITA: Makabayan Coalition, pinangalanan na kanilang 10 senatorial bets sa 2025
Samantala, sa kaniyang talumpati ay giniit naman ni Espiritu, tagapangulo ng BMP, na sa loob daw ng 31 pakikibaka ng organisasyon ay hindi na umano dapat tanggapin ang pamumuno ng mga “trapo” at “political dynasty” tulad daw ng mga Marcos at Duterte.
“Umabot na tayo sa punto na hindi na natin tatanggapin ang pamumuno ng trapo, political dynasty, at ng pambubudol. Hindi natin tatanggapin si Marcos at si Duterte,” giit ni Espiritu.
“Hindi na natin tatanggapin na sila lang ang nagdidikta ng pampolitikal na diskurso sa ating lipunan. At ngayon gusto natin kamtin ang pampolitikal na kapangyarihan,” saad pa niya.
Matatandaang tumakbo si De Guzman bilang pangulo at si Espiritu naman bilang senador noong 2022 national elections, ngunit hindi sila pinalad na manalo.