November 22, 2024

Home SPORTS

Alas Pilipinas Men’s team raratsada sa 2025 FIVB world championship

Alas Pilipinas Men’s team raratsada sa 2025 FIVB world championship
Photo courtesy: AVC Photo

Nakatakdang makipagsabayan ang Alas Pilipinas Men’s team sa Pool A ng 2025 International Volleyball Federation (FIVB) Men’s Volleyball World Championship alinsunod sa naging resulta ng draw lots nito noong Sabado, Setyembre 14, 2024 sa Solaire Grand Ballroom sa Parañaque City.

Dahil sa pagiging host country, awtomatikong nailagay ang Pilipinas sa pool kasama ang Iran, Egypt, at Tunisia sa unang round ng world championship.Ang men's national volleyball team ng Tunisia, na nasa ika-24 sa world rankings, ay nagwagi na ng 11 beses sa African Championship, habang ang men's national volleyball team ng Egypt na nasa ika-20 sa world ranking  ay 9 na beses nang naging continental champion.

Samantala, tanggap naman ng Italian coach na si Angiolino Frigoni ang "malaking responsibilidad" at "malaking hamon" para sa ika-64 na ranggo ng Alas Pilipinas sa international tournament na nakatakdang ganapin sa susunod na taon.

"I can say that for us, all teams are pretty difficult, but those two [Egypt and Tunisia], they are not difficult as Italy, as Poland, and everything. And by the way, I have only two words to say today--big responsibility that we have in this championship, and big challenge for us,” ani Frigoni.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sinabi ni Michaelo Buddin, ace player ng Alas Men, na magsisikap silang ipakita ang mas magandang resulta para lalo na’t nasa home court advantage sila."Para sa akin, kahit sino naman siguro ka-bracket namin du'n, lahat naman sila anlalakas kaya super excited na makalaban 'yung mga team na 'yon. Siguro mas magwo-work hard kami para makasabay kami sa kung anong ipapakita nila—para sa Filipino fans na sumusuporta sa 'min," saad ni Buddin.

"Para sa akin, no pressure kasi alam naman natin na wala silang ine-expect sa 'min. Ine-expect nila matatalo kami, so kung ano 'yung ite-train namin, during games, siguro ilalabas namin lahat para maipakita sa kanila na may ibubuga rin 'yung Philippines men's volleyball team dito sa atin," dagdag pa niya.

Opisyal na magsisimula ang 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship mula Setyembre 12-28, 2025 na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City at SM Mall of Asia Arena sa Pasay City. 

Kate Garcia