Game na sinagot ng dalawang SB19 members at coaches ng "The Voice Kids" na sina Stell at Pablo ang mga karaniwang isyung ibinabato sa kanila, lalo na ang isyu ng pagpaparetoke o surgical enhancement.
Pag-amin ng dalawa sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," wala silang nakikitang problema kung sakaling dumaan nga sila sa iba't ibang enhancements, dahil parte naman ito ng kanilang trabaho.
Kahit daw ang mga kaibigan nila, kapag may napansing pagbabago sa mukha o katawan nila at tinatanong na sila nang diretsahan, diretsahan din ang ibinibigay nilang sagot.
"Even my friends po, when they ask me, parang 'Uy, nagpa-ano ka ba talaga?' Sinasabi ko, 'Oo. Hindi ba obvious?'”
Sinasagot ko, 'Pag sinabi ko bang, 'No,' maniniwala ka? 'Di ba hindi ka rin naman maniniwala?' So, sinasabi ko po kasi I think wala namang mali kasi I'm sure, 'pag tinanong ko 'yong friend ko, sabihin niya, 'Ay, 'pag may pera ako, papagawa ko rin 'yan.' Gano'n lang po ngayon eh."
Segunda naman ni Pablo, wala siyang nakikitang mali sa pagpaparetoke.
"Sabi ko po sa kanila, 'di ba napag-usapan natin 'yan no'ng 'di pa tayo kilala, parang 'Magpapa-gano'n ka ba ever?' Parang gano'n. Tapos ang sagot ko po, 'Never. Hindi. Hindi pumasok sa isipan ko."
“Pero hindi ko na lang namalayan one day, nagpapa-filler na ako dito," ani Pablo sabay turo sa noo.
"Sabi ko, 'Nakaka-boost pala talaga siya ng confidence.”
Dagdag pa ni Stell, kung may means naman para magpagawa, at kung wala namang inaagrabyadong tao, go lang.