December 22, 2024

Home SPORTS

Sen. Pia Cayetano umalma sa bagong polisiya ng UAAP; labag daw sa batas?

Sen. Pia Cayetano umalma sa bagong polisiya ng UAAP; labag daw sa batas?
Photo courtesy: UAAP (FB) and Official website of Sen. Pia Cayetano

Ipinahayag ni Senator Pia Cayetano ang kaniyang matinding pagtutol sa bagong aprubadong patakaran ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ukol sa eligibility ng mga student-athlete na lumilipat sa ibang member schools.

Sa isang panayam na ginanap sa groundbreaking ceremony ng pitong palapag na Athletes’ Dormitory sa Rizal Memorial Sports Coliseum nitong Huwebes, Setyembre 12, 2024, hindi nag-atubiling ipahayag ni Cayetano, na dati ring manlalaro ng University of the Philippines Lady Maroons, ang kaniyang saloobin sa nasabing polisiya.

Hinikayat niya ang UAAP na muling pag-isipan ang kanilang desisyon.

Bilang principal author ng Student-Athlete Protection Act, binanggit ni Cayetano ang batas upang bigyang-diin na ang bagong patakaran ay maaaring labag sa mga legal na probisyon ukol sa paglipat ng mga atleta.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ayon sa batas, ang mga athletic association tulad ng UAAP ay pinapayagang magpatupad ng isang taong residency para sa mga lumilipat na atleta bago sila makapaglaro para sa kanilang bagong paaralan.

Matatandaang bago magsimula ang UAAP season 87 ay inilalabas ng UAAP Board ang bagong eligibility rules kung saan mababawasan ng isa pang taon ang playing years ng student-athlete na lilipat sa ibang member schools. Bukod pa ang isang taong pagliban nito ng isang season upang bunuin ang residency sa nilipatang unibersidad.

Kahit na kinikilala ang umano’y banta ng “pamimirata” sa student-athlete, isang terminong ginagamit upang ilarawan ang pag-recruit sa mga atleta, nanindigan ang senadora na ang pagpaparusa sa mga atleta mismo ay hindi solusyon.

“Oo, naiintindihan ko, hindi po ako bobo. Naiintindihan ko na may issue kayo na pina-pirate yung athletes niyo. Kaya ayusin niyo ito sa tamang paraan. Huwag parusahan ang mga bata. Huwag parusahan ang mga atleta,” giit ni Cayetano.

Ipinunto din ni Cayetano na tanging ilang piling isports, tulad ng basketball at volleyball, ang nag-aalok ng mga komersyal o propesyonal na oportunidad pagkatapos ng kolehiyo.

“Tapos babawasan niyo pa yung years nila as an athlete in college? Bakit niyo gagawin yun?” tanong ni Cayetano.

“Maraming dahilan kung bakit gustong lumipat ng unibersidad ang isang atleta. Hindi lang dahil sa mas magandang alok. Paano kung hindi niya kasundo yung teammates niya? Nangyayari po yun.”

Sa halip, hinikayat niya ang UAAP na tumutok sa mas malaking layunin ng pagtulong sa paghubog ng buhay ng mga batang student-athlete sa pamamagitan ng isport.

Kate Garcia