Usap-usapan sa isang online community page ang isang post kung saan isinalaysay ng isang netizen ang ginawa niya sa kotse ng kapitbahay na walang pakundangang nagparada sa harapan mismo ng bahay niya.
Ayon sa mababasang post sa "Parkeserye," hindi na napigilan ng nagbahaging netizen na pasingawan ang gulong ng sasakyang nakaparada.
Kinabukasan ay kinompronta siya ng may-ari at sinabihan siyang walang respeto.
Matapos ang insidente ay tila hindi natinag ang may-ari ng kotse at patuloy pa ring nag-park sa harapan ng bahay ng nagrereklamong netizen.
Natigil na lamang ito nang ma-tow away na mismo ang kaniyang kotse dahil sa pagpaparada sa daanan.
TINGNAN: Parkeserye - Ito talaga pinaka matibay sa lahat ng kapitbahay.... | Facebook
"Ito talaga pinaka matibay sa lahat ng kapitbahay. Nagpark ng balagbag sa harapan ng bahay ko at pinahirapan ako makapasok dahil nakaharang sya. So pinasingaw ko gulong nya," mababasa sa post.
"Kinaumagahan kumatok pa yan sa bahay, malakas ang loob magsabi na respeto daw sana sa nakapark. Ako ba nirespeto nya? Ilang araw lumipas nagpark na naman. Gulo ata hanap talag nito. Kinabukasan nadaanan ng clearing. TOW AWAY SYA. ahaha" mababasa pa.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Na alala ko nag papark yung ma usok na jeep ng kapitbahay ko sa tapat ng bintana namin at gate,minsan truck pa na mabaho..ayun awa ng diyos namayapa na pong lahat."
"Yan ang mga tao na laging sarili lang iniisip. Dapat talga bigyan leksyon kung di makuha burahin hahahaha."
"Kapag nakasanayan ang mali ay nagiging normal at inaakalang tama. Kaya kapag nasita ang gumagawa ng mali ay sila pa ang galit dahil akala ay tama ang kanilang ginagawa. Panawagan sa pinuno at lider, agapang sawayin ang mali para hindi lumikha ng kaguluhan at kalituhan sa komunidad."
"Dapat kasi talaga may sariling garahe ang bahay."
Tinatawag na "illegal parking" ang pagparada ng mga sasakyang sa mga hindi awtorisadong parking area, gaya ng kalsada, sidewalk, at iba pa.
-----------------------------------------------------------
Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.