"Ang nakakalungkot nga 'yung iba kaibigan mo pa."
Isiniwalat ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Usec. Gilbert Cruz na mayroong lumapit sa kaniya para tulungan si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa panayam ni Cruz nitong Huwebes, Setyembre 12, sinabi niyang may nagpasaring sa kaniya para tulungan si Guo.
"With all honesty may mga pasaring. Ang nakakalungkot nga 'yung iba kaibigan mo pa. But kilala naman nila kasi ako e. Kaya siguro pasaring lang hindi nila kayang idiretso," anang PAOCC chief.
Aniya pa, kunwari raw ay kukumustahin ang kaso ni Guo pero may pahiwatig na baka pwede itong tulungan.
"Kunwari tinatanong nila kumusta 'yung kaso ni Alice Guo. Pwede pa bang tulungan 'yan. Mga ganon pero walang pinag-uusapang pera," saad pa ni Cruz.
Nauna rito, may isiniwalat din si dating Senador Panfilo "Ping" Lacson nitong Miyerkules na mayroon siyang kaibigan na Filipino-Chinese trader na inofferan umano ni Guo ng P1 bilyon para magkaroon ng koneksyon sa first family, ang pamilyang Marcos.
Ang naturang trader ay isa raw na malaking na negosyante at sinabi raw nito na may koneksyon siya "within the circle" ng first family.
Kwento ni Lacson sa panayam kay Kabayan Noli de Castro sa TeleRadyo Serbisyo, lumapit si Guo doon trader bago umalis.
Nagpakita pa nga raw ang trader ng larawan nila ni Guo bilang pruweba.
"Si Alice Guo nag-approach sa kaniya noong bago umalis, noong medyo ipit na ipit na at nagtatago na yata. Kumontak sa kaniya through a common friend at sabi sa kaniya kung mailalapit ba niya si Alice Guo doon sa kaniyang contact," ani Lacson.
"Hindi ko naman sinasabing pinapaniwalaan ko 'yung kwento ng Fil-Chi na ito pero ang sabi niya ang offer daw na pera sa kaniya ay P1 billion basta't matulungan lang daw siya. Para mapatotohanan 'yung kaniyang sinasabi, dahil medyo nakatanga kami no'ng kinukwento niya, nagpakita siya ng litrato nilang dalawa ni Alice Guo na magkasama nga sila at 'yung pag-uusap nila ganon," dagdag pa ng dating senador.