Inaasahang patuloy na makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Setyembre 12, at maging sa mga susunod na araw, dahil sa southwest monsoon o habagat at bagyo sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa public forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Benison Estareja na huling namataan ang severe tropical storm na may international name na “Bebinca” 1,975 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon.
Inaasahan daw na mas lalakas ang bagyo at itaas sa “typhoon” category bago ito pumasok ng PAR bukas ng gabi, Setyembre 13, araw ng Biyernes.
Samantala, sa kasalukuyan ay nakaaapekto na ang extension o trough ng bagyo sa bansa, kung saan inaasahang magdadala ito ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas, Caraga, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate.
Inaasahan ding magdudulot ang trough ng Severe Tropical Storm Bebinca ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms sa Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at mga natitirang bahagi ng Bicol Region.
Bukod dito, hinahatak din umano ng bagyo ang habagat na inaasahan namang magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan, Occidental Mindoro, Romblon, at mga natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao; at ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng MIMAROPA at CALABARZON.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms naman ang posibleng maranasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil sa localized thunderstorms.