December 23, 2024

Home SHOWBIZ Pelikula

BALITAnaw: Mga pelikulang Pilipinong humataw at tumabo sa takilya

<b>BALITAnaw: Mga pelikulang Pilipinong humataw at tumabo sa takilya</b>
Photo courtesy: ABS-CBN Film Production, Star Cinema (FB)

Ipinagdiriwang ngayong Setyembre 12 ang ika-105 anibersaryo ng pelikulang Pilipino, na masasabing naging bahagi na rin ng buhay ng mga Pilipinong manonood mula noon hanggang ngayon.

Sa tuwing sasapit ang ika-12 araw ng Setyembre, mula sa pangunguna ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), ginugunita ang pagsilang ng kauna-unahang pelikulang Pilipino na inilabas noong 1919.

Ang “Dalagang Bukid” sa direksyon ni Jose Nepomuceno ay ang kauna-unahang pelikulang ipinalabas sa Pilipinas noong Setyembre 12, 1919 bilang isang ‘silent film,’

Ang kuwento ng Dalagang Bukid ay umikot sa pag-iibigan ni Angelita (flower vendor) at ni Cipriano (law student) na humarap sa pagsubok dahil sa sapilitang pagpapakasal na ginawa ng magulang ni Angelita sa isang matandang mayaman na si Don Silvestre.

Pelikula

Julia Montes, dinaig sa bakbakan si Coco Martin

Sa kasamaang palad, walang napanatiling kopya ng naturang makasaysayang pelikula dahil sa dalawang beses na pagkasunog ng Malayan Movies na siyang main distributor ng Dalagang Bukid.

Tinatayang kumita ng ₱90,000 ang Dalagang Bukid mula sa film budget nito noon na ₱25,000.

Mula sa Dalagang Bukid na nagtala ₱90,000 bilang kauna-unahang ‘highest grossing film’ sa bansa.

Kaya naman kaugnay ng pagdiriwang sa ika-105 anibersaryo ng pelikulang Pilipino, narito ang ilang pelikulang milyong piso ang kinita sa merkado mula sa tala ng FDCP noong 2017 para sa 2020 Camera Obscura Awardees.

TOP 10- The Amazing Praybeyt Benjamin

Pinagbidahan ni Vice Ganda, ang “The Amazing Praybeyt Benjamin” ay kuwento ng isang sundalong may pusong sirena na iniligtas ang kaniyang pamilya at buong bansa mula sa pagsalakay ng mga terorista. Tinatayang kumita ito ng ₱455 milyon.

TOP 9- Beauty and the Bestie

Ipinalabas noong 2015, ang “Beauty and The Bestie” ay isang action-comedy film na pinagbibidahan pa rin Vice Ganda at Coco Martin. Ito ay umiikot sa kuwento ng pagkakaibigan kung saan ang isang undercover na pulis ay humingi ng tulong sa kontesera niyang kaibigan para sa isang buwis-buhay na misyon. Kumita ang naturang pelikula ng ₱520 milyon.

TOP 8- Miracle In Cell No.7

Mula sa isang tanyag na Korean film, ang Filipino adaptation ng “Miracle in Cell No.7” na pinagbidahan nina Aga Muhlach at Bela Padilla. Ito ay kwento ng isang ama na may kapansanan sa pag-iisip at nasentensyahan ng bitay mula sa gawa-gawang kaso na isinampa sa kaniya. Mula sa pagsusumikap, naging abogado ang kaniyang anak at nilinis ang pangalan niya bagama’t natuloy pa rin ang parusang bitay sa kaniya. Humakot ng ₱543 milyong piso ang naturang Philippine adaptation ng pelikula.

TOP 7- A Second Chance

Sino nga ba ang makakalimot sa pag-iibigan ni Popoy at Basha? Ang “Second Chance” ay prequel ng isa pang sikat na pelikulang One More Chance na pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo. Ito umikot sa kuwento ng kanilang pag-iibigan at kung paano sila sinubok sa buhay mag-asawa. Kumita ang nasabing pelikula noong 2015 ng ₱556 milyon.

TOP 6- GANDARRAPIDDO: The Revenger Squad

Isang adventure-comedy movie na pinagbibidahan pa rin ni Vice Ganda, Daniel Padilla at Pia Wurtzbach na kuwento ng magkakaibigang may tagay na kaniya-kaniyang kapangyarihan na humarap sa banta ng iba’t ibang kontrabida. Kumita ang naturang pelikula noong 2017 ng ₱571 milyon.

TOP 5- Fantastica

Ipinalabas noong 2018 na pinagbibidahan pa rin ni Vice Ganda kasama sina Bela Padilla at Dingdong Dantes, ito ay umikot sa kuwento ng isang karnabal na nangangambang malugi kaya naman isang palabas ang ginawa nila upang maisalba ito. Umabot sa ₱596 milyon ang kinita ng nasabing pelikula.

TOP 4- The Super Parental Guardians

Isang pelikulang umikot sa kuwento ng pamilya at pagkamit ng hustisya, ang “The Super Parental Guardians” na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Coco Martin ay kumita ng ₱598 milyon sa takilya.

TOP 3- The Hows of Us

Isa sa pelikula ng tambalang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na pumiga sa luha ng mga manonood, ang “The Hows of Us” ay umikot sa kuwento ng pag-iibigan na sinubok ng pangarap at panahon. Humakot ng ₱650 milyon ang nasabing pelikula.

Samantala, ayon sa report ng ABS-CBN news online, matapos maitala ang pelikulang “The How’s of Us” bilang highest grossing film noong 2018, back-to-back blockbuster hit si Kathryn Bernardo para naman sa pelikula niyang “Hello Love Goodbye” na parehong pumalo sa ₱800 milyon ang kabuang kita kasama ang international screenings.

TOP 2- Hello Love Goodbye

Ang pelikulang itinampok ang tunay na kuwento ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) at kuwento ng pag-iibigan na siyang pinaghiwalay ng pangarap at realidad ng buhay. Ang “Hello Love Goodbye” ay pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards na humakot ng ₱691 milyon at nanatiling highest grossing film sa loob ng apat na taon.

TOP 1- Rewind

Si lodi at ang pagbabalik ng tambalang DongYan. Pinalahan at muling binuhay ng “Rewind” ang sinehan noong nakaraang Metro Manila Film Fest (MMFF) 2023, dahil sa pagbabalik sa pinilakang tabing ng tambalang Dingdong Dantes at Marian Rivera. Umikot ang kuwento sa posibilidad ng pagbalik sa panahon at pag-ukit ng panibagong realidad para sa buhay at pamilya. Ayon sa opisyal na tala ng GMA News Online, tuluyang nalampasan ng “Rewind” ang “Hello Love Goodbye,” matapos kumita ang pelikula ng ₱845 at nananatiling highest grossing film sa kasalukuyan.

Samantala, narito rin ang bukod na Top 3 na mga pelikulang Pilipinong humataw rin sa international screenings. 

Top 3- Maid in Malacañang

Kasama ang international screenings, pumalo sa ₱650 milyon ang kontrobersyal na pelikula ng direktor na si Darryl Yap na “Maid in Malacañang,” ang pelikulang nagtatampok sa buhay ng dating first family na pamilya Marcos. Ayon sa GMA News Online, umabot sa ₱21 milyon ang unang araw ng screening ng pelikula. Magmula noong pandemic, ang “Maid in Malacañang” ang siyang unang pelikula na kumita ng ₱206 milyon sa loob lang ng isang linggo. Kinumpirma rin ng VIVA Films na nagtala ito ng ₱650 kabuuang kita sa takilya.

Top 2- Hello, Love Goodbye

Ito ang unang pelikulang Pilipino na pumalo ng ₱838 milyong kabuuang kita matapos ang 24 araw na international screenings, ayon na rin sa ulat ng Star Cinema.

Top 1- Rewind

Hindi lang sa local screenings humataw ang Rewind matapos pang higitan ng international screenings ang kabuuang kita nito na mula ₱845 milyon at lumubo ito ng ₱889 milyon na kasalukuyang record holder sa bansa, saad ng Star Cinema.

Kate Garcia