December 21, 2024

Home BALITA National

ALAMIN: Ano ang susunod na pagdadaanan ng proposed budget ng OVP?

ALAMIN: Ano ang susunod na pagdadaanan ng proposed budget ng OVP?
Photo Courtesy: Sara Duterte (FB)

Inirekomenda ng House Committee on Appropriations nitong Huwebes, Setyembre 12, na bigyan ng ₱733.198 milyong budget ang opisina ni Vice President Sara Duterte sa 2025, mahigit ₱1.29 bilyon ang kaltas mula sa ₱2.037 bilyong panukalang budget ng opisina.

Ngunit, base sa budgeting process ng gobyerno, hindi pa naman pinal ang naturang halaga ng magiging pondo ng Office of the Vice President (OVP), dahil mayroon pang mga pagdadaanan ang naturang rekomendasyon ng komite.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), may apat na distinct phases ang budgeting process sa bansa: budget preparation, budget authorization, budget execution, at budget accountability.

Bagama’t malinaw na hiwalay, nag-ooverlap daw ang nasabing mga proseso pagdating sa implementasyon sa gitna ng budget year. Halimbawa, ang budget preparation para sa susunod na budget year ay nagpapatuloy habang ang mga ahensya ng gobyerno ay nag-e-execute ng budget para sa kasalukuyang taon. At sa parehong oras, sumasailalim din ang mga ahensya sa budget accountability, kung saan sinusuri kung nagugol ba sa tama ang mga budget nila noong budget year.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Pagdating naman sa usapin ng proposed budget ng OVP, nasa estado na ito ng budget authorization kung saan sinisiyasat ng Kongreso ang panukalang budget ng mga ahensya ng pamahalaan.

Narito ang mga hakbang ng pag-amyenda o pag-apruba ng proposed budget ng OVP (at maging ng naihandang budget ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan):

Budget Authorization phase

House of Representatives 

Sa Kongreso, unang napupunta ang proposed budget ng mga ahensya ng pamahalaan sa House of Representatives o Kamara. 

Itinatalaga ng Kamara sa Appropriations Committee nito, kasama ang iba pang House Subcommittees, na magsagawa ng initial budget review o budget hearing. Tulad ng nabanggit sa itaas, ang komiteng ito ang nagsiyasat at siyang nagrekomendang bawasan ng ₱1.29 bilyon ang ₱2.037 bilyong panukalang budget ng OVP sa 2025 at gawing ₱733.198 milyon.

Pagkatapos ng desisyon ng Appropriations Committee, ihaharap ang naturang inamyendahang budget proposal sa House body bilang General Appropriations Bill.

Senate

Habang on-going ang mga budget hearing sa Kamara, nagsasagawa rin ang Senate Finance Committee, sa pamamagitan ng iba’t ibang subcommittees nito, ng kanilang sariling pagsisiyasat sa proposed budget ng ahensya ng pamahalaan. Nagpo-propose din sila ng amendments hinggil sa House Budget Bill sa Senate body para paaprubahan.

Bicameral Conference Committee

Upang makarating sa iisang bersyon ng General Appropriations Bill, isang Bicameral Conference Committee, na binubuo ng mga miyembro ng Kamara at Senado, ang tatapos at magsasapinal sa proposed budgets.

General Appropriations Act

Kapag nagkasundo at naaprubahan ng Kamara at Senado ang proposed budget ng mga ahensya ng gobyerno, isusumite na nila ito sa pangulo ng Pilipinas para pirmahan at gawing batas. Ito na ay magiging General Appropriations Act

Paglalabas ng pondo

Pagkatapos ng pag-apruba ng pangulo, ilalabas o ipamamahagi na ang mga naisapinal na pondo sa mga ahensya ng gobyerno. Ito ay para “i-execute” o ipatupad na ang nailahad nilang mga planong proyekto na paggagamitan ng kanilang budget sa naturang taon.

Kaugnay nito, ang Commission on Audit (COA) ang kalaunang magsusuri kung nagugol sa tamang paraan ang mga inilabas na budget ng bawat ahensya.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Kakaltasing ₱1.29B pondo ng OVP, saan nga ba ilalaan?