November 22, 2024

Home BALITA

1902 magmatic eruption ng bulkang Kanlaon posibleng maulit?

1902 magmatic eruption ng bulkang Kanlaon posibleng maulit?
Photo courtesy: Manila Bulletin (FB)

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) tungkol sa patuloy na paglala ng aktibidad ng bulkang Kanlaon sa Negros Occidental dahil sa patuloy na pagbubuga nito ng sulfur dioxide noong Martes, Setyembre 10, 2024.

Ayon sa Phivolcs, posibleng maranasan muli ang bagsik ng bulkang Kanlaon dahil sa mataas na pagbuga nito ng sulfur dioxide na huli pang nangyari noong 2009.

Nabanggit din ng ahensya sa isang press briefing, nang dahil sa patuloy na pagbuga ng sulfur dioxide ng bulkan, may tsansang muling maranasan ang magmatic eruption na nangyari noong 1902.

Isinaad din ni Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division chief Mariton Bornas na ang naranasang magmatic eruption noong 1902 ay maituturing pang mahina matapos lamang magtala umano ng isang lava flow kasabay din ng ilang phreatic at steam eruptions.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

“Iyong mga pagputok po ng Kanlaon volcano mula po noong 1902 ay mga pawang phreatic o steam driven eruptions lamang,” saad ni Bornas.

“Sa kadamihan po ng activity ng Kanlaon Volcano ay mga steam driven o phreatic eruptions, ngayon lang po tayo magkakaroon kung sakali man ng magmatic eruption,” dagdag pa niya.

Nilinaw din ng ahensya na hindi nila tiyak kung kailan maaaring tuluyang pumutok ang bulkang Kanlaon kung kaya’t patuloy umano ang kanilang monitoring sa mga naitatalang pagyanig at steam emissions nito.

“Kailangan araw-araw nating inaanalisa at ini-evaluate lalo sa isang bulkan tulad ng Kanlaon volcano na matagal pong hindi pumuputok ng magma,” ani Bronas sa pagbabantay nila sa aktibidad ng bulkan.

Tinatayang nasa 300 residente mula sa 400-meter permanent danger zone (PDZ) malapit sa crater ng bulkan, ang lumikas at pansamantalang nakikipanuluyan sa evacuation centers.

Isa ang bulkang Kanlaon sa 24 aktibong bulkan sa buong bansa na sumabog na ng 9 na beses.

Kate Garcia