Magpapatupad ang Manila Electric Co. (Meralco) ng higit 15 sentimong dagdag kada kilowatt hour (kWh) sa singil sa kuryente ngayong Setyembre.
Sa abiso ng Meralco nitong Miyerkules, nabatid na ang power rates ngayong buwan ay tataas ng P0.1543 kada kWh.
Sanhi nito aabot na ang overall rate sa P11.7882 kada kWh mula sa dating P11.6339 lamang kada kWh noong Agosto.
Nangangahulugan ito ng P31 na pagtaas sa electricity bills ng mga consumers na nakakagamit ng 200 kWh; P46 sa nakakakonsumo ng 300 kwh; P62 sa nakakagamit ng 400 kwh at P77 sa nakakakonsumo ng 500 kwh kada buwan.
Anang Meralco, ang taas-singil sa kuryente ay dahil sa pagsipa ng transmission charge ng P0.2913 kada kWh, dulot ng mas mataas na ancillary service charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).