Natapilok si First Lady Liza Araneta-Marcos habang naglalakad patungo sa isang wreath-laying ceremony sa Batac City, Ilocos Norte kasama si Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr.
Ang naturang wreath-laying ceremony ay ginanap nitong Miyerkules, Setyembre 11, bilang paggunita sa 107th birth anniversary ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr..
Bagama't na-cut na sa social media live ng Radio Television Malacañang (RTVM) ang pagkakatapilok ng first lady, nakunan naman ito ng Super Radyo DZBB.
Mapapanood sa naturang video na natapilok si Liza sa isang 'di maayos na sementong daanan. Pero kaagad naman siyang inalalayan ng pangulo.
Bago ang wreath-laying program, dumalo muna ang First Family sa isang Thanksgiving Mass sa Immaculate Conception Parish-Batac.
Matapos nito ay pinuntahan ni Pangulong Marcos kasama ang kaniyang mga anak sa isang culinary event na "Natnateng Cook-Off Showdown," kung saan ipinapamalas ang iba't ibang vegetable dishes sa probinsya ng Ilocos Norte bilang parte ng paggunita kay Marcos Sr. o kilala rin sa tawag na "Apo Lakay."