December 23, 2024

Home FEATURES BALITAnaw

9/11: Ang pinakamadilim na pag-atake sa kasaysayan ng Amerika

9/11: Ang pinakamadilim na pag-atake sa kasaysayan ng Amerika
Photo courtesy: Atlanta History Center website

Kalimitang emergency hotline lang ang maaalala sa numerong 911, taliwas sa madugong kuwentong nangyari dito matapos ang mahigit 2 dekada. 

Setyembre 11, 2001 nang gulatin ang Estados Unidos ng isang kagimbal-gimbal at sunod-sunod na atake na siyang kumitil sa umano’y halos 3,000 buhay sa loob lamang ng isang araw.

Lingid sa kaalaman ng nakararami, hindi lamang ang Twin Tower ng World Trade Center sa New York City ang pininsala ng pag-atake ng grupo ng mga teroristang Al-Qaeda sa pamumuno ni Osama bin Laden, kundi kasama rin sa plano ang dalawa pang magkahiwalay na lokasyon sa Amerika.

Ayon sa opisyal na tala ng US Department of Defense, nakatanggap sila ng tinatayang 19 hijacked plane reports noong Setyembre 11, kung saan apat lamang ang kumpirmadong commercial planes na na-hijack ng tropa ni Bin Laden na siyang ginamit nila upang isagawa ang kalunos-lunos na pang-aatake.  

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Sa timeline na makikita sa 9/11 Memorial and Museum website, makikita ang pagkakasunod-sunod ng eksaktong pag-atake ng Al-Qaeda. 

Ayon dito, ginulantang ng animo’y plane crash ang North Tower building World Trade Center (WTC) sa New York City, 8:46 ng umaga, Eastern Time (ET) dahil tumama ang isang American Airlines flight 11, na noo’y biyaheng pa-Los Angeles, sa ika-80 palapag ng gusali. Agad na nagsagawa ng forced evacuation ang rescuers.

Makalipas lamang 17 minuto (9:03 ET), nasundan ulit ng isa pang plane crash. Isang United Airlines flight 175 ang tumama sa South Tower building malapit sa ika-60 palapag nito. Dito na napagtanto ng gobyerno na isa na itong terrorist attack. 

Habang nagkakagulo ang New York City, 9:37 (ET), nang maganap ang ikatlong atake sa Pentagon Military Headquarters sa Virginia, nasapul ang US Defense base dahil sa biglaang pagbagsak ng American Airlines flight 77. 

Sa loob ng isang oras tatlong malawakang pag-atake ang naranasan ng Estados Unidos kabilang na ang kanilang military headquarters na bahagyang naparalisa. 

Samantala, isang minuto bago tuluyang sumapit ang 10:00 ng umaga, tuluyang bumigay ang gusali ng South Star building ng WTC na inabot lamang ng 10 segundo upang tuluyan itong mapulbos. Nagdulot ito ng mas pahirapang rescue mission para sa noo’y hindi pa tukoy na bilang ng mga nadamay sa pag-atake. 

Nagtapos ang huling atake nina Bin Laden nang pabagsakin nila ang ikaapat na eroplano na United Airlines flight 93 sa kalupaan ng Pennsylvania, 10:03 ng umaga (ET), na noo’y patungo sana sa San Francisco.

Matapos ang kumpirmadong apat na magkakahiwalay na atake nina Bin Laden, tuluyan na ring gumuho ang North Star building ng WTC bandang 11:42 am (EST).

Ayon din sa tala ng U.S. Depart of Defense, umabot sa 2,977 buhay ang kumpirmadong nasawi. Mula sa WTC, 2,753 ang agad na nasawi, habang 184 naman ang kabuuang bilang mula sa Pentagon at 40 pasahero at crew naman mula sa plane crash sa Pennsylvania. 

Lumalabas din sa imbestigasyon ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na ang Al-Qaeda ang nasa likod ng mga pag-atake. Iginiit ng grupo na ang pagsuporta ng Estados Unidos sa Israel ang isa kanilang primaryang dahilan upang isagawa ito. Idinagdag pa ang pakikisawsaw umano ng Estados Unidos sa Persian Gulf war at ang patuloy na paglawak noon ng sandatahang lakas nito sa Middle East. 

Bilang pagkondena umano sa sinapit ng kanilang bansa, isinagawa ng Estados Unidos ang kanilang pambobomba sa Afghanistan noong Oktubre 2001, na tinawag nilang “Operation Enduring Freedom.” Layunin nito na tuluyang durugin ang puwersa ng Al-Qaeda at alisin ang isa pang teroristang grupo ng Taliban na direktang kaugnay sa grupo ni Bin Laden.

Samantala, matatandaang Mayo 2, 2011 nang tuluyang masukol at mapatay ng US Navy SEALS si Bin Laden sa Pakistan.

Hanggang ngayon, taon-taon pa ring ginugunita, hindi lamang sa Estados Unidos, maging ng iba’t ibang bansa ang isa sa mga  pinakamalagim na terrorist attacks na gumising sa buong mundo.

Kate Garcia