Magsisimula na ang pag-take over ng operasyon ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) ng San Miguel Corporation ni Ramon Ang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa darating na Sabado, Setyembre 14.
Ayon sa pahayag ni Ang sa ginanap na Aviation Forum ng Economic Journalists Association of the Philippines, na-secure na umano ang pondo para sa proyekto na may capital expenditure na ₱123.5B, may upfront payment na ₱30B, at ₱2B kada taon na annuities.
Ipinapangako ni Ang na magkakaroon na ng mga pagbabago sa main gateway ng bansa, na tinataguriang "worst airport" sa mundo. Aniya, ayaw daw niyang marinig mula sa mga dayuhan na worst airport in the world ang NAIA.
“'Yong NAIA, no excuse, I promise you in one year's time, or at most two, zero na baha diyan,’" aniya.
Ayon naman kay NNIC General Manager Angelito Alvarez, sa loob ng 3 hanggang 12 buwan ay inaasahang magkakaroon na ng improvement sa pasilidad ng paliparan gaya ng inireklamong air-conditioning units, pagdaragdag ng mga upuan, toilets, pagsasaayos ng mga elevator at escalator, pag-iinstall ng glass tint para mabawasan o maalis ang init mula sa labas, at paglalagay ng mas malakas na internet connection.
Bukod dito, magkakaroon din ng upgrade sa IT system para sa kabuuang operasyon gayundin ang mga kalsada at drainage system.
Pumirma si Ang sa isinagawang concession agreement para sa Public-Private Partnership (PPP) Project sa Kalayaan Hall na nasa Palasyo ng Malacañang noong Marso 18, na dinaluhan din mismo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
"Pagagandahin, ay within six months from the time we take over, September to next year March before Holy Week, naku saksakan na nang linis 'yon," ani Ang.
"Pati 'yong air-condition magiging malamig na, at dadami na upuan. Alam n'yo, eventually after two to three years, 'pag natapos 'yong bagong passenger terminal na itatayo natin... made-decongest na rin ang terminal 1, 2, 3... kasi marami ngayon sa terminal 1, 2, 3 mga offices, mga kung-ano-ano, na nag-occupy ng space na dapat para sa mga passenger, eh napunta sa kanila. So gaganda po 'yan, short term, six months, wala nang traffic..."
MAKI-BALITA: NAIA magiging saksakan na nang linis sey ni Ramon Ang
Matatandaang naging kontrobersiyal ang NAIA dahil sa mga surot na nagbigay-perwisyo sa ilang mga pasahero.
MAKI-BALITA: ‘May surot sa NAIA?’ MIAA, nag-sorry sa mga nakagat na pasahero
Pagkatapos nito, ilang mga daga naman ang naispatang pagala-gala sa loob ng vicinity ng terminal.
MAKI-BALITA: Hindi lang surot at daga? Ipis, ‘namasyal’ din sa NAIA