January 15, 2025

Home BALITA National

PAGASA, patuloy na binabantayan 2 LPA sa labas ng PAR

PAGASA, patuloy na binabantayan 2 LPA sa labas ng PAR
Courtesy: PAGASA/FB screengrab

Dalawang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Martes, Setyembre 10.

Sa public weather forecast ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, inihayag ni Weather Specialist Rhea Torres na lumabas ng PAR ang LPA na malapit sa bansa nitong Lunes ng hatinggabi, Setyembre 9. Huli raw itong namataan 680 kilometro ang layo sa northeast ng Extreme Northern Luzon.

Samantala, huli namang namataan ang ikalawang LPA 2,415 kilometro ang layo sa silangan ng Eastern Visayas.

Hindi po natin inaasahan na magkakaroon ito ng direktang epekto sa anumang bahagi ng ating bansa,” ani Torres.

National

'For the first time in 20 years!' BIR, nakakolekta ng ₱2.8T sa taong 2024

Samantala, patuloy naman ang pag-iral ng southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa kung saan inaasahan daw itong magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Ilocos Region, Zambales, at Bataan.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Bukod dito, inaasahan ding magdadala ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms.

Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.