Nagbigay ng tugon si Vice President Sara Duterte kaugnay sa mga nagsasabing isa raw siyang spoiled brat.
Sa ulat ng ABS-CBN News nitong Lunes, Setyembre 9, matutunghayan ang video kung saan tahasang itinanggi ni Duterte na siya ay “bratinella.”
“Alam ng taumbayan na hindi ako bratinella o spoiled brat dahil kilala nila ako simula noong ako’y nasa Davao pa; simula noong ako’y Mayor pa hanggang naging Vice President ako,” pahayag ni Duterte.
“Kilala ako ng taumbayan na hindi ko inaabuso ang aking power and ang aking authority sa lahat ng mga opisinang nahawakan ko. Testigo ko ang buong bayan na hindi ako spoiled brat,” wika niya.
Sa katunayan, ayon pa sa bise-presidente, hindi umano galing sa political clan ang mga naging kaibigan niya habang siya’y lumalaki.
“Sila ay mga ordinaryong tao lamang at ‘yon ang kinalakihan ko. Isang ordinaryong environment ng isang ordinaryong citizen ng ating bayan,” aniya.
Matatandaang tinawag si Duterte na spoiled brat ni dating Gabriela Party-list Representative at Makabayan Coalition senatorial bet Liza Maza dahil sa hindi nito pagtugon sa ilang tanong hinggil sa proposed budget ng Office of the Vice President (OVP) sa ginanap na pagdinig sa Kamara kamakailan.
MAKI-BALITA: Makabayan senatorial bet Liza Maza kay VP Sara: 'Stop acting like a spoiled brat'