Binigyang-diin ni Senador Joel Villanueva mismo kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na "binastos at binalahura" nito ang buong gobyerno.
Sa kaniyang opening statement sa pagdinig sa Senado nitong Lunes, Setyembre 9, sinabi ni Villanueva na ito na ang pinakahihintay ng sambayanang Pilipino, na malaman ang "katotohanan"
"Ang sabi ng John 8:32, 'the truth shall set us free.' Isa lang po nating lahat na malaman, matagal na nating hinahanap, matagal na nating hinihintay. Ito rin ang hinihintay ngayon ng sambayanang Pilipino, walang iba kundi ang katotohanan. Sapagkat ang katotohanan ang magpapalaya sa atin," paunang sabi ng senador.
"Umabot po tayo sa ganito dahil bukod po sa puro 'hindi ko na po maalala, your honor' ang sagot sa atin, tinaguan pa ho tayo ni Ms. Alice Guo na napag-alaman nating hindi tunay na Pilipino," dagdag pa niya.
Matapos nito, binigyang-diin ni Villanueva kay Guo ang pambabastos at pambabalahura umano nito sa buong gobyerno.
"Alice, binastos mo at binalahura mo ang buong gobyerno. Ang buong sambayanang Pilipino. Hindi ko maintindihan kung bakit no'ng nahuli ka parang walang-wala sa'yo. Na-offend po kami. Hindi ko po alam pero parang ang turing mo sa amin ay kaaway na pero ang totoo, Alice, ang totoo kung magsasabi ka ng katotohanan kami dito sa Senado ang totoong kakampi mo. Bibigyan ka namin muli ng pagkakataon ngayong araw na ito na isiwalat ang katotohanan," ani Villanueva.
"Dahil kahit ayaw mong sabihin ang katotohanan, Senado ito. Hindi ito perya. Sigurado kami na malalaman at lalaabas ang katotohanan sa Senado. Kung ikaw ay tunay ng Pilipino dapat alam mo ang kasaysayan. Sa kasaysayan, ang Senado ang nagiging sandigan ng demokrasya. Ito ang nagpapalabas ng katotohanan. Kapag ikaw ay nagsasabi ng katotohanan, ang Senado, ang siguradong magpo-protekta sa'yo. More than any agency or institution in this country," dagdag pa niya.
Ipinaalala rin ni Villanueva ang sinumpaan ni Guo sa Senado na magsasabi siya ng totoo.
"Muli, isang bagong pagkakataon ang araw na ito lalo para sayo, Alice. Sa pagsasabi mo ng katotohanan hindi lang ikaw ang magbebenepisyo kundi ang sambayanang [Pilipino]. At ipapaalala ko sa'yong muli ang iyong sinumpaan dito sa Senado to tell the whole truth and nothing but the truth. Kung hindi ka sasagot sa mga itatanong namin dito sa Senado o maglulubid ka lang buhangin hindi lalabas ang katotohanan. Nais nating sabihin sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng ating ginagawa not just in the aid of legislation but to ensure that we a period and end to this horrible and terrible POGO. Naipakita ng Senado through this committee na even LGUs, even a town like Bamban ay kayang pasukin at kontrolin nang husto ng POGO" anang Senador.
"Can you imagine ladies and gentlemen, kung magpapatuloy ito, hindi lamang mayor, governor, congressman, o senador baka balang araw kapag hindi natin tinuldukan ito, sa susunod na halalan mayroon tayong POGO sponsored president. Kaya po importante na pagtulung-tulungan po natin ito at siguruhin that we will be able to serve the best interest of our people," pagtatapos ni Villanueva.
Matatandaang noong Setyembre 4 nang maaresto ng mga awtoridad ng Indonesia si Guo at naibalik ng bansa noong Setyembre 6.
Nahaharap siya sa contempt order at ilan pang kaso sa bansa, tulad ng nabanggit na pagkasangkot umano niya sa POGO, bago siya tumakas ng bansa at magtungo sa Malaysia, Singapore, at panghuli nga ay sa Indonesia.