October 11, 2024

Home BALITA National

Sen. Imee sa mga 'gigil' i-impeach si VP Sara: 'Demokrasya ang gusto n'yong paglaruan!'

Sen. Imee sa mga 'gigil' i-impeach si VP Sara: 'Demokrasya ang gusto n'yong paglaruan!'
MULA SA KALIWA: Sen. Imee Marcos at VP Sara Duterte (file photo)

“Naghahamon ba kayo sa 32M?”

Pinagtanggol ni Senador Imee Marcos ang kaibigan niyang si Vice President Sara Duterte laban sa umano’y mga nasa Kongreso na “gigil na gigil” patalsikin ang bise presidente sa puwesto.

Sa isang pahayag nitong Lunes, Setyembre 9, iginiit ni Marcos na nais lamang umanong paglaruan ng mga gigil magsampa ng impeachment case ang “demokrasya.”

“Sa mga nasa kongreso na gigil na gigil na magsampa ng impeachment case laban kay VP INDAY SARA, Magsilbing paalala ito na ang gusto n'yong paglaruan ay ang Demokrasya,” pagbibigay-diin ni Marcos.

National

Northern Samar, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Ayon pa sa senadora, “kabastusan” umano sa resulta ng eleksyon ang pagpapatalsik kay Duterte.

“Ang mga hakbang na ito ay kabastusan sa pasya ng bayan at resulta ng eleksyon; isang panghahamak sa boses at karapatan ng sambayanan sa pagpili ng kanilang lider,” giit ni Marcos.

“Alalahanin ninyo ang tagumpay na naitala ng kanyang boto ay ang pinakamalaki sa kasaysayan-Naghahamon ba kayo sa 32M?

“O naghahanap kayo ng gulo upang hatiin ang bayan-na may napakaraming problema sa kasalukuyan?” saad pa niya.

Matatandaang kamakailan lamang ay iginiit ni ACT Teachers party-list France Castro na “impeachable offense” umano ang maling paggamit ng pera ng bayan matapos maglabas ang Commission on Audit (COA) ng notice of disallowance ng P73 million sa P125-million na confidential fund ng opisina ni Duterte noong 2022.

Samantala, sa isang pahayag nito ring Lunes ay sinagot ni Castro ang naging pahayag ni Marcos at sinabing hindi totoong nagpaplano nang maghain ng impeachment case ang Makabayan bloc ngunit may basehan umano para gawin ito kay Duterte.

"Impeachment is a constitutional mechanism that serves as a recourse for the people against abuse by high government officials. It is an essential part of our democratic processes to ensure that leaders remain accountable to the people they serve," giit ni Castro.

"Threatening those who wish to exercise their right to hold officials accountable is a direct attack on democracy. It is imperative that we uphold the people's right to seek redress against abuses of power," saad pa niya.