October 11, 2024

Home BALITA National

Habagat, patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng PH

Habagat, patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng PH
Courtesy: PAGASA/website

Patuloy pa ring nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Setyembre 9, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, malaki ang tsansang magdudulot ang habagat ng occasional rains sa Ilocos Region, Apayao, at Abra, at ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Cagayan Valley, Central Luzon, at mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR).

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Bukod dito, inaasahan ding magdadala ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol Region.

National

Northern Samar, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms.

Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, patuloy namang binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) sa loob at labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang LPA sa loob ng PAR 1,155 kilometro ang layo sa east northeast ng Extreme Northern Luzon, habang namataan naman ang LPA sa labas ng PAR 2,810 kilometro ang layo sa silangan ng Eastern Visayas.

Hindi raw inaalis ng PAGASA ang posibilidad na maging bagyo ang naturang mga LPA, ngunit sa kasalukuyan ay wala naman itong nakikitang direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.